Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog Features: Project YAPPAKK ng mga pulis sa Pugo, La Union, handog ay libreng sapatos sa mga barangay tanod

Dalawampu’t dalawang  tanod mula sa dalawang barangay sa bayan ng Pugo, La Union ang nakatanggap na ng libreng sapatos mula sa Pugo Police Station.


Hangad ng kapulisan sa Pugo na maregaluhan ng isang pares ng sapatos ang lahat ng barangay tanod sa bayan.


Sila ang maituturing na pinakauna sa La Union na naglunsad ng ganitong proyekto para sa mga tinatawag nilang ‘force multipliers.’


Tinawag ni Lt. Clinton Amawan, hepe ng Pugo Police Station, ang proyekto na Project YAPPAKK o "Yaman ken Ayat ti PNP Pugo Agpaay ti Kakadwa Para ti Kapia” o  Pasasalamat at Pagmamahal ng PNP Pugo Para sa mga Katuwang sa Pagsusulong ng Kapayapaan.


“Nakita ko po personally noong surge ng COVID-19 ang kanilang mahalagang tungkulin. Araw-araw, 24/7 po kasama natin sila sa checkpoint, sa curfew hours, sa patrolling. Para po mabigyan natin sila ng halaga, ang kapulisan ng Pugo ay nag-initiate ng isang practice para mabigyan sila ng tulong,” pagpapaliwanag ni Amawan.

Ibinabahagi ni Lt. Clinton Amawan, hepe ng Pugo Police Station, ang kanilang best practice na Project YAPPAKK kung saan sila ay nagbibigay ng libreng sapatos para sa mga barangay tanod. (JPD)

Ang mga kawani ng Pugo Police Station ay boluntaryong nagbibigay ng kahit anong halaga para maisakatuparan ang kanilang programa para sa mga tanod bilang pagkilala sa kanilang serbisyo sa komunidad.


“Sila ang tinatawag nating police sa barangay. Sa tulong ng ating mga barangay tanod na nandoon, nagagampanan nila ang peace and order and public safety sa barangay po nila,” dagdag pa ng hepe.


Nauna nang nabigyan ng libreng sapatos ang 10 tanod sa Barangay San Luis.

Panayam ni Information Officer III Joanne Dilim ng PIA kay Lt. Clinton Amawan, hepe ng Pugo Police Station (JPD)

BARANGAYanihan


Ang nakaraang pamamahagi ay isinagawa sa Barangay Palina kung saan hindi lamang sapatos ang handog ng kapulisan, kasama pa ang tatlong serbisyo na nakapaloob sa ‘barangayanihan.’


Ayon kay Amawan, isinagawa nila ang barangayanihan para magbigay ng iba’t iba at libreng serbisyo publiko para sa mga residente. 


Kaya naman bukod sa kanilang regular na serbisyo publiko, ang mga pulis ang mismong nagbigay ng libreng gupit na tinawag nilang Kuya Pulis Barbero.


Namahagi rin ng mga libreng damit  sa pamamagitan ng Ukay-ukay ni Aleng Pulis, naghain pa ng masarap na lugaw o Pakan para ti Umili at isinagawa ang kanilang best practice na Project YAPPAKK. 

Tinatanggap ng isang barangay tanod sa Barangay Palina sa bayan ng Pugo, La Union ang libreng sapatos na handog ng Pugo Police Station. (JPD)

“Yung apat po na iyan ay ginawa namin para sabihin sa ating kababayan, na kapag may bayanihan, may barangayahihan sa PNP, makakamit po natin ang maayos at matiwasay na bayan na minimithi natin. Doon din po natin maipapakita na kapag may barangayanihan, kahit may ganito tayong COVID-19 pandemic, malalampasan po natin ito,” ani Amawan.


Muli, ayon sa hepe, ang lahat ng ginagamit nilang kagamitan at pondo sa proyektong ito ay galing sa sariling bulsa ng mga kapulisan para magbigay serbisyo sa kanilang mga kababayan. 


Aniya, “Iyan po ang tema namin sa kapulisan, ang magbigay po at mapalapit ang puso ng kapulisan natin para sa komunidad natin.”


Lubos naman ang pasasalamat ng mga residente sa mga serbisyong iniabot ng mga pulis sa kanilang lugar. 

Isang nanay mula sa Barangay Palina, Pugo, La Union ang namimili ng libreng damit na mula sa Pugo Police Station. (JPD)

“Agyaman kami amin ti napintas nga inyumay yo nga programa ti kapulisan iti ili ti Pugo (Nagpapasalamat kami sa magandang programang hatid ng Pugo Police Station sa aming barangay), ayon kay Raul Ramirez na kapitan ng Barangay Palina.


Tunay ngang ang Project YAPPAKK at ang pagsasagawa ng barangayanihan ay mga natatangging proyekto ng kapulisan na marapat lamang na tularan.

About the Author

Joanne Namnama Dilim

Regional Editor

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch