Georgia

No. of Views: 10,000

No. of Shares: 2,000

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog Features: Kuwento ng tagumpay sa pagtatanim ng Cacao

Kuwento ng tagumpay sa pagtatanim ng Cacao

“Sa tatlongdaang puno ko ng Cacao, mahigit isang tonelada ang nahaharvest ko sa isang taon na kung saan ay ipinapadala ko sa buyer ko sa Manila at kumikita ako ng humigit-kumulang P100K”.

Ito ang naging pahayag ni Mang  Antonio Salvilla, isang Cacao Grower mula sa Barangay Maruyugon, Puerto Princesa City.

Sa isang video na ginawa ng Puerto Princesa City Agriculture Office na may pamagat na ‘Kita sa pagtatanim ng Cacao’, ikinuwento ni  Mang Antonio na siya ay isa sa mga benepisyaryo ng High Value Crop Development Program ng Department of Agriculture (DA) kung saan nabigyan siya ng mga pananim na Cacao at  makalipas ang walong taon kanya na itong pinagkakakitaan at inaani.

Napatunayan ni Mang Antonio Salvilla, isang Cacao Grower mula sa Puerto Princesa City na may kita sa pagtatanim ng Cacao (screen shot mula sa Kwento ng tagumpay- pagtatanim ng Cacao video presentation ng Puerto Princesa City Agriculture Office)

Sabi ni Mang Antonio, nag-imbita noon ang  City Agriculture Office (CAO) sa mga mayroong  lupain na nais magtanim ng Cacao at isa sya sa mga tumugon dito, pagkatapos nito  ay agad silang nagkaroon ng mga pagsasanay sa tamang paraan ng pagtatanim at pagaalaga ng Cacao.

Aniya, noon ay hindi niya alam kung paano magtanim ng Cacao pero sa tulong ng mga seminar at training ay natutunan niya na ito hanggang sa paraan ng fermentation at pagpapatuyo sa bunga ng Cacao. Binigyan rin sila ng DA ng fermentation box at dryer para mas mapaganda pa ang kalidad ng kanilang produkto.

Natulungan rin siya ng tanggapan ng agrikultura at ng mga dinaluhang pagsasanay para makilala niya ang kaniyang mga buyer kung saan niya ngayon ibinibenta ang kaniyang mga produkto.  Ngayon, maliban sa pagbebenta ng dry beans ay gumagawa na rin sila ng masarap na  “Tablea”.

Ayon kay Mang Antonio, ang kita niya sa Cacao ay malaking tulong sa  pang-araw-araw na mga gastusin sa kanilang bahay. Dahil rin sa kita sa Cacao, nabili na niya ang noo'y pinapangarap na sasakyan.

“Sa naranasan ko sa pagtatanim ng Cacao, napatunayan ko na kumikita talaga tayo sa agrikulutura, kailangan lang sipag at tiyaga hanggang sa tayo ay magtagumpay,” saad pa ni Mang Antonio.

Dahil dito ay hinimok niya ang mga kapwa magsasaka na pangalagaan ang ibinibigay na tulong ng DA dahil malaki ang naitutulong nito sa bawat pamilya. 

Ang Cacao ang pangunahing sangkap sa paggawa ng matamis at napakasarap na tsokolate na siya ngayong itinuturing na kayamanan ni Mang Antonio.(MCE/PIA Mimaropa)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch