Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Raketerong estudyante noon, pulis na ngayon

Hindi naging hadlang ang kahirapan para kay Police Patrolman Gian Cedrick Lota Dispo, 22, upang makapagtapos sa pag-aaral.


Pagpasok ni Gian sa kolehiyo, iba’t-ibang raket ang nasubukan niya upang maitaguyod ang kanilang pamilya bilang siya ay panganay sa anim na magkakapatid at siya na ring tumayong haligi ng kanilang pamilya.


Mula sa paggugupit, pagtitinda ng iba't-ibang pagkain tulad ng fishball, mangga, balot at gulay, paghahardin, pagkakarpintero, at pagiging food runner, dishwasher, assistant tubero, helper sa restaurant, at bouncer, naitawid ni Gian ang kanyang pag-aaral at nakapagtapos ito sa kursong BS Criminology taong 2019 sa University of Northern Philippines, Vigan City, Ilocos Sur.


“Gumigising ako nang maaga para marami akong magawa. Ginagamit ko ang libreng oras ko sa paggugupit, tapos sa hapon naman ay pagtitinda ng balot at fishball at sa tuwing walang pasok ay bouncer at sa restaurant kung saan all around ako doon.”


Ayon kay Gian, nakikitira at wala silang sariling lupa ngunit nakakaraos naman sila sa bawat araw-araw.


“Ito ang nag-udyok sa akin upang magsikap ako ng husto para sa aking pamilya at tumayo na rin bilang ehemplo sa aking mga kapatid.”

Patrolman Gian Cedrick Dispo noong siya'y estudyante pa lamang. (Courtesy: Gian Cedrick Dispo)

Umaabot lamang sa P500 ang kinikita ni Gian sa maghapon mula sa mga raket niya noon na pinagkakasya naman nila sa gastusin nila sa bahay at pag-aaral nila ng kanyang mga kapatid.


“May time na gusto ko ng sumuko sa pag-aaral sapagkat nagkukulang ang kita ko sa pagbebenta at gusto kong mag sakripisyo na tumigil para sa mga kapatid ko ngunit nandiyan ang mga barkada ko na sina Rhomsel, Jhayke at Paulo na nag-advice sa akin na ‘wag tumigil at tinulungan nila ako sa pamamagitan ng pagtawag ng kanilang kakilala upang gupitan ko para may pambayad ako sa aming paaralan.”


Aniya, malaking tulong din sa kaniyang pag-aaral ang scholarship niya sa CHED.


Nang magtapos ito sa kolehiyo at makapasa sa board exams, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagtitinda at pagra-raket bago sumabak sa training.


Na-deploy siya sa Dagupan City Police Station noong Hulyo sa kasalukuyang taon para sa Field Training Program (FTP).


Simula pagkabata ay pangarap na ni Gian ang maging pulis sapagkat nais niyang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

“Kahanga-hanga ang katapangan at kabutihan ng ating mga kapulisan sapagkat sila'y tagapagtanggol ng mga naaapi at tagahuli ng masasamang loob.”


Ngayon, tuwang-tuwa si Gian at nagbunga ang pagbabanat niya ng buto para sa kanyang pangarap at tinutulungan niya pa ang kanyang mga kapatid sa kanilang pag-aaral at pang-araw-araw na gastusin.


“Ang plano ko naman sa pamilya ko ay patapusin sila sa pag-aaral at mabigyan ng sariling lupa at bahay ang aking magulang ng sa gayon ay hindi na kami nakikitira.”


Nang tanungin si Gian kung ano ang pinaka-hindi niya makakalimutan na raket na siyang nakatulong na rin sa paghubog ng kanyang pagkatao, sagot niya, “Sa restaurant po ma'am kasi maraming customers na hindi nagkaintindihan kaya kailangan ng maximum tolerance at sa pinaka-enjoy naman ay ang pagtitinda ma'am sapagkat marami kang nakakausap o nakikilala na magiging kaibigan mo.”


Ganap mang pulis ngayon, hindi pa rin tumitigil si Gian sa mga raket niya.


“Tagagupit pa rin ako ngayon ng mga kamag-aral ko sa FTP, depende sa ibinabayad nila pero sa halagang P50 kada gupit, malaki na ring makatutulong sa akin dagdag sa ipapadala ko sa aming pamilya.”


Payo naman ni Gian sa mga tulad niyang nangangarap, “Pagbutihin ang pag-aaral, wag sayangin ang pera na ibinibigay ng ating magulang, pasalamat tayo kung anong meron sa atin, at wag natin sayangin ang pagkakataon.”


“Huwag tayong mahiya lalo na kung marangal ang ating ginagawa dahil para rin sa atin ‘yan at ‘wag na ‘wag tayong makalimot sa ating Panginoon, hindi Niya tayo pababayaan at samahan na rin natin ng gawa,” dagdag ni Gian.


Isa lamang ang kwento ni Gian sa mga patunay na kapag may tiyaga at pagsisikap ay maaabot ang ating mga minimithi.


Hangad ni Gian na maging ehemplo hindi lamang sa kanyang mga kapatid pati na rin sa mga katulad niyang nangangarap – kahit na maraming pagsubok ay nagpatuloy pa rin at magpapatuloy pa rin. (JCR/JMCQ, PIA Ilocos Sur)

About the Author

Joyah Mae Quimoyog

Writer

Region 1

Joyah Quimoyog is a writer based in the heritage province of Ilocos Sur. She's a short sleeper who shares stories through photographs and other visual content.

Feedback / Comment

Get in touch