Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagtatag ng IP Cooperative sa Brgy Naibuan, San Jose, maisasakatuparan na

Pagtatag ng IP Cooperative sa Brgy Naibuan, San Jose, maisasakatuparan na

Paglalagda ng mga IPs sa Constitution and By Laws ng kanilang kooperatiba. (V. Valdez)

Malapit nang matupad ang nais ng pamunuan ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na makapagtatag ng isang kooperatiba ng mga katutubo sa Barangay Naibuan, bayan ng San Jose.

Naikwento ni Voltaire Valdez, PTF-ELCAC Focal Person, na suhestyon nina Governor at PTF-ELCAC Chair Eduardo Gadiano, at Elmer T. Ferry, Regional Technical Director ng Department of Agriculture-Mimaropa, na tulungan ang mga indigenous peoples (IPs) ng Naibuan na itayo ang Katribuhan Agri Cooperative upang magamit sa pagnenegosyo. “Naniniwala sina Gob at Direktor Ferry na mas magkakaroon ng malasakit ang mga kasapi sa samahan kapag ito ay nabuo bilang isang kooperatiba,” ayon kay Valdez. Isa aniya sa posibleng dahilan ay ang saping-puhunan (share capital) mula sa bawat kasapi na pangunahing tanda na ito ay kabahagi sa pagmamay-ari at responsibilidad sa kooperatiba.

Dagdag pa ni Valdez, sumailalim na ang mga IPs sa mga paunang seminar at naipaliwanag kung anu-ano ang mga maaari nilang gawin sa kanilang kooperatiba. “Nagustuhan nila iyong pwede silang pumasok sa negosyo na makakatulong sa pag-angat ng kanilang kabuhayan,” ayon pa kay Valdez.


Kasama ni PTF-ELCAC Focal Person Voltaire Valdez (ikalawa mula sa kanan) ang ilan sa mga kasapi ng Katribuhan Agri Cooperative. (V. Valdez)

Paliwanag pa rin ng PTF-ELCAC Focal Person, nakahanda na ang mga susunod na pagsasanay na ibibigay sa mga IPs. Kabilang dito ang hinggil sa pagpapatakbo ng isang kooperatiba at kung paano maayos na mapapangasiwaan ang kanilang pondo. Sa kasalukuyan aniya ay may 40 kasapi ang Katribuhan Agri Cooperative na nagmula sa iba’t ibang sityo ng Barangay. May pauna na silang pondo na P8,000 na ayon kay Valdez ay kaloob ng Gobernador mula sa personal nitong salapi.

Sa kasalukuyan, saad ni Valdez, ay lumagda na ang mga IPs sa Constitution and By Laws ng kooperatiba at ipapasa na ito sa Pang-rehiyong Tanggapan ng Cooperative Development Authority (CDA). Inaasahan na pagkalipas ng ilang linggo ay makatatanggap na ang Katribuhan Agri Cooperative ng Certificate of Registration.

Maganda ang hinaharap ng Katribuhan Agri Cooperative, saad ni Valdez. Nakahanda aniya ang DA Mimaropa na tumulong sakaling kailanganin ng samahan ng post-harvest facilities; sa Department of Trade and Industry (DTI) naman lalapit para sa packaging, labeling ng produkto at License to Operate; at, maaring dumulog sa Department of Science and Technology (DOST) para sa product improvement.

Nakangiting binanggit ng Tagapagsalita ng PTF-ELCAC, na tunay na epektibo ang Whole-of- Nation approach para tugunan ang iba't ibang pangangailangan ng isang kooperatiba. Kinumpirma din ni Valdez, na batay sa atas ng Gobernador, ay patuloy na aagapay ang PTF-ELCAC at ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga katutubo upang tuluyang makamit ang inaasam na pag-unlad ng kanilang pamumuhay. (VND/ PIA MIMAROPA)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch