'Araw-araw Pasko sa SOCO,' regalong handog sa mga katutubong Mangyan
Bakas sa mukha ang tuwa at saya ng halos 300 batang katutubo mula sa tribong Alangan Mangyan matapos ang dalawang araw na proyektong Araw-araw Pasko sa SOCO na pinangunahan ng Police Regional Forensic Unit Mimaropa at OrMin Provincial Forensic Unit na ginanap kamakailan sa dalawang bayan sa lalawigan.
Pinasaya ng Forensic Team sa pamumuno ni Regional Chief PCol Nerino Daciego katuwang ang Regional Finance Service Office na pinangunahan PMaj Joey Saulog at mga tauhan ni Naujan Municipal Police Station (MPS) Chief LtCol Roden Fulache ang mga katutubo sa Sitio Belen Gawad Kalinga Village, Brgy. Arangin Naujan kung saan ay binubuo ng 115 pamilya at may humigit-kumulang 200 bata ang hinandugan ng mga regalo at pagkain, ice cream at tanging bilang na sayaw ng kapulisan.
Bukod dito ay tinuruan din ang mga bata ng tamang pamamaraan ng pag sepilyo, pag ligo, pag kulay sa libro at paglalaro ng basketball.
Bilang pasasalamat naman ng mga kabataang katutubo, ay nag handog din sila ng sayaw bago matapos ang programa.

Samantala, sa sumunod na araw ay tinungo naman ng grupo kasama ang ang mga tauhan ni Baco Municipal Police Chief Lt Erl Patrick Maglana ang lugar ng Sitio Sungi, Brgy. Tagumpay Baco kung saan kailangan maglakad ng humigit-kumulang 20 minuto ang grupo sa mga pilapil at kanila itong ginawa kahit umuulan at pagdaan sa ilang matubig na palayan bago marating ang lugar kung saan idadaos ang programa.
Napawi ang kanilang pagod ng makita nila ang kasabikan ng mga katutubo para sa espesyal na araw na yaon.

Nagpalaro din ang Forensic Team at binigyan ng mga premyo ang mga nanalo gayundin ay pinagkalooban nila ng food packs ang 35 pamilyang naninirahan doon kabilang ang 68 na mga batang katutubo at kasamang namahagi ng pagkain at mga tsinelas ang Baco MPS.
Kasama din sa dalawang araw na outreach program na siyang nakipag-ugnayan sa mga nasabing lugar ang mga kasapi ng Regional Advisory Council at kanila din pinasalamatan ang mga tumulong upang maging matagumpay ang proyektong ito tulad ng Police Regional Office Mimaropa, PDEA, at mga personalidad mula sa pribadong sektor na siya naman naghandog ng mga laruan, damit, pagkain at cash assistance. (DN/PIA-OrMin)