Samu’t-saring mga lokal na produkto ng La Union ang tampok sa agri-tourism fair na inilunsad ng provincial government noong ika-28 ng Pebrero, 2022 sa siyudad ng San Fernando.
Matatagpuan sa SaLU-Salo o “Saluad La Union para Serbisio, Agri-turismo, Lako ken Oportunidad” Agri-Tourism Fair ang mga ipinagmamalaking lokal na produkto ng bawat bayan.
Hanap mo ba’y makukulay na telang inabel, hinabing mga bayong, makukulay na walis, o iba’t-ibang klase ng mga paso?
O hindi kaya nama’y masasarap na pagkain gaya ng mga sariwang gulay, preskong mga prutas, daing na mga isda, matatamis na palaman, o mga kutkutin?
Ilan lamang yan sa mga nakakaaliw at nakakatakam na mga produktong tatawag sa inyong pansin para maki-salu-salo sa La Union.

Ayon kay Abrahan Rimando, vice chairperson ng Committee on Commerce and Industry, bukod sa pagbida sa mga tinaguriang One Town, One Product ng probinsiya ay layon din nitong matulungan ang mga micro, small, and medium enterprises na makabangon sa naging epekto ng pandemya sa kanilang mga kabuhayan.
“To promote tourism, farm-produced, and investment opportunities to help our micro, small, and medium enterprises,” ani Rimando.
Parte ito ng selebrasyon nang paggunita ng ika-172 anibersaryo ng probinsya.
Maaaring bisitahin ang nasabing exhibit hanggang ika-anim ng Marso 2022 sa loob ng CSI Malls.
Halina’t tangkilin ang sariling atin at suportahan ang mga produktong tatak lokal! (JCR/JPD/CGC, PIA Region 1)