Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ang STI at ang masamang epekto nito sa kalusugan

Ang STI at ang masamang epekto nito sa kalusugan

Isa sa naging paksa sa webinar na inorganisa ng Regional Inter-Agency Committee Against Trafficking-VAWC-Child Pornography (RIACAT-VAWC-CP) kaugnay ng pagdiriwang ng International Women’s Day ngayong Marso 8, 2022 ay ang patungkol sa Sexually Transmitted Infection (STI) sa mga kabataang nagbibinata at nagdadala na.

Maging ang masamang epekto nito sa kalusugan ay tinalakay ni Mellanie G. Montes, MPH Regional HIV Nurse Coordinator mula sa Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD)-Mimaropa.

Ano nga ba ang STI?

Ayon sa paliwanag ni Montes, ang STI ay Sexually Transmitted Infection o mas unang nakilala sa tawag na sexually transmitted disease.

Sa pamamagitan ng pakikipagtalik ang pangunahing paraan kung paano ito nakakahawa. Ngunit maaari rin itong makahawa sa iba pang paraan tulad ng pagsasalin ng dugo, organ donation at iba pa.

Paliwanag pa ni Montes na mayroong iba’t-ibang common STIs tulad ng ‘bacterial, viral, protozoa, fungal at skin parasites’ kung saan isa ngayon sa tinututukan ng DOH ay ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) na nakahanay sa kategoryang ‘viral’ ng STIs.

Masamang epekto ng STI sa kalusugan:

Bagaman ang mga STI ay nagagamot na, pinapayuhan pa rin ni Montes ang mga nakakaranas ng mga sintomas ng nabanggit na sakit na magpasuri o mag-patest upang masiguro at matukoy kung anong klaseng STI ito at nang mabigyan ng karampatang lunas.

Tulad aniya ng HIV, ang paraan ng gamutan nito ay sa pamamagitan ng Anti-Retroviral Drugs upang ang isang HIV positive ay hindi na lumala pa at upang hindi na mapunta pa ang sakit nito sa Acquired Immuno-deficiency Syndrome o AIDS.

HIV at AIDS:

Paliwanag ni Nurse Montes, hindi magkapantay o magkatulad ang HIV at AIDS. Ang isang may HIV ay tinatawag na ‘people living with HIV’ ngunit hindi ibig sabihin nito na siya ay may AIDS na rin.

Maaaring mai-transmit o mai-hawa ang HIV sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo kapag hindi nasuri ang dugo na ‘infected’ ng HIV; sa pakikipagtalik dahil maaaring itong mailipat ng may HIV sa pamamagitan ng semen at vaginal fluids; at sa pagpapasuso dahil kapag ang isang ina ay may HIV at nagpapasuso ito maaari niyang mailipat ang nasabing sakit sa kanyang anak.

Ang makakapagtukoy lamang kung ang isang tao ay mayroong AIDS ay sa pamamagitan ng pagsusuri o laboratory testing, hindi ito nakukuha sa tingin lamang. Isinagagawa ito sa pagpayag na rin ng isang indibiduwal na sumailalim sa counseling at ito ay ‘confidential,’ dagdag pa ni Montes.

Kasalukuyang datos ng HIV/AIDS sa Mimaropa:

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH)-Mimaropa, mula 1998 hanggang Setyembre 2021 ay umaabot na sa 1,229 ang HIV/AIDS cases mayroon sa buong Mimaropa kung saan nasa 622 dito ang mula sa Palawan kasama na ang sa Puerto Princesa.

Samantala nasa 319 naman ang sa Oriental Mindoro, 124 ang sa Occidental Mindoro, 83 sa Romblon at 81 naman ang sa Marinduque.

Pinakamarami sa nasabing bilang ang nasa 25-34 taong gulang na umabot sa 658, 365 naman ang nasa 15-24 taong gulang, 179 ang nasa 35-49 taong gulang, pito ang nasa 15 taong gulang pababa at 20 naman ang nasa 50 taong gulang pataas.

Pinakamarami rin ang mga kalalakihang maroon HIV/AIDS sa Mimaropa na may bilang na 1,158, samantalang 71 lamang ang mga kababaihan.


ABCDE patuloy na i-practice:

Upang maiwasang mahawa ng mga STI, payo ni Nurse Montes na palagiang gawin o i-obserba ang ABCDE o itong:

A-  Abstinence (Ayoko Muna)

B-  Be faithful (Basta Ikaw lang at Ako)

C-  Correct and consistent use of Condoms (Condom ay palaging gamitin ng tama)

D-  Don’t use drugs (Droga ay iwasan)

E-  Education (Edukasyon ay kailangan)


HIV Testing facilities sa Rehiyon ng Mimaropa:

May limang Treatment Hub na ang Rehiyon ng Mimaropa kung saan maaaring magpagamot dito ang mga may HIV. Ang mga ito ay ang Purple Rain Clinic sa Oriental Mindoro Provincial Hospital, A.R.U.G.A. sa Occidental Mindoro Provincial Hospital, Triple Heart sa Marinduque Provincial Hospital, Red Shelter Clinic sa Romblon Provincial Hospital at and Red Top Center sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City

Nasa 15 Social Hygiene Clinic naman mayroon ang rehiyon, apat sa Oriental Mindoro, tatlo sa Occidental Mindoro, dalawa sa Romblon, dalawa rin sa Marinduque at lima sa Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch