Mga pulis at estudyante, nagkawang-gawa sa mga senior citizens
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Sinorpresa ng Philippine National Police (PNP) Outreach Program na kinabibilangan ng First Police Mobile Force Company (PMFC) katuwang ang Regional Mobile Force Battalion (RMFB) Mimaropa, Calapan City Police Station (CPS) at mga estudyante ng Criminology sa Mindoro State University, ang pagsasagawa ng feeding at gift giving program sa 20 lolo at lola na inaalagaan sa Aruga Kapatid Foundation, Inc. sa Brgy. Managpi sa lungsod na ito kamakailan.
Nag-ambagan ang nasabing grupo para makalikom ng dalawang kabang bigas at isang kahon ng noodles. Bukod dito ay namigay din ng 20 bags para sa bawat isa na naglalaman ng biskwit, toothpaste, sabon na panlaba, shampoo, asukal, bulak, candy, suka, mantika, isang kahon na facemask, clorox at iba pa.
Pinamunuan nina PMFC Force Commander, PLtCol Ryan Cabauatan, RMFB officer PLt Jessa Buyayo at PLt Jhoefel Duliaga ng Calapan CPS ang naturang aktibidad at pagpapakain ng tanghalian at pagkatapos ay nag handog sila ng mga kanta, sayaw, tula at hinaranahan ng mga awitin noong kapanahunan nila.

Nagpahayag ng pasasalamat ang tagapangasiwa at nangangalaga ng mga matatanda na si Popoy Vergara
“Ako at ang aking mga kasama dito sa foundation ay lubos na nagpapasalamat sa kapulisan at mga estudyante sa maikling panahon na inyong ibinigay at dahil dito ay lubos ang kasiyahang kanilang nadarama", ayon kay Vergara. (DN/PIA-OrMin)
