BAGUIO CITY (PIA) -- Naging mainit man ang halalan sa iba't ibang panig ng Cordillera, nagtapos naman ito nang matiwasay.
Sa Baguio City, muling nahalal si Mayor Benjamin Magalong bilang alkalde ng lungsod laban kay dating mayor Mauricio Domogan at dating vice mayor Edison Bilog. Muli ring nahalal na bise mayor si Faustino Olowan at si Marquez Go bilang kongresista ng lungsod.
"With your abiding support, Baguio shall be governed well all through the years ahead in our journey together, our people living with honor and dignity, and confident of being truly worthy of your faith," pagtitiyak ni Magalong.
Sa Benguet, sa kabilang ng iba't ibang isyu na naglabasan sa social media, nakuha ni Benguet Caretaker at ACT CIS Representative Eric Yap ang landslide vote laban sa katunggali nito na sina Atty. Victorio Palangdan, Atty. Sammy Paran, at Atty. Thorrsson Keith.
Tiniyak ni Yap ang pagpaparating sa mga bagong programa para sa ikauunlad ng lalawigan. "Sa susunod na tatlong taon, babaunin nating inspirasyon ang mga kwento ng hirap at problema na dinaranas ng madami sa probinsya. Let us challenge the status quo at alisin na ang mentality na 'pwede na yan'. We deserve better. Mahalin natin ang mga kailyan natin, at mas mahalin pa natin ang Benguet," pahayag ng opisyal.
Natalo man sa botohan, inihayag naman ni Palangdan na patuloy pa rin itong maninilbihan sa publiko kahit na magtatapos na rin ang ikatlong termino nito bilang alkalde ng bayan ng Itogon.
Napanatili rin ni Governor Melchor Diclas ang kanyang posisyon habang bagong mukha ang naluklok sa pagka-bise gobernador, si Ericson 'Tagel' Felipe laban kay incumbent Vice Governor Johnny Waguis at incumbent Board Member Jim Botiwey.
Samantala, ang lalawigan ng Abra ay pangungunahan pa rin ng pamilya Valera at Bernos. Si Bangued Mayor Dominic Valera ang nahalal na ama ng probinsiya habang ang anak nito na si Governor Ma. Jocelyn Bernos ang nahalal na bise gobernador.
Magpapalitan naman ng posisyon ang mag-asawang Menchie 'Ching' Bernos at Joseph Sto. Nino 'JB' Bernos sa darating na Hunyo. Unopposed si incumbent La Paz Mayor Ching bilang congressional representative ng lalawigan. Iprinoklama naman ang asawa nito na si incumbent representative 'JB' Bernos na two-term congressman na tumakbong unopposed bilang mayor ng La Paz.
Sa Apayao, dominante pa rin ang pamilya Bulut. Si incumbent Rep. Elias Bulut Jr. ang uupong gobernador habang ang kapatid nito na si incumbent governor Eleanor Bulut-Begtang ay magbabalik sa Kamara. Matatandaang noong 2010-2019, naging kinatawan ng Apayao sa House of Representatives si Bulut-Begtang habang si Bulut Jr. ang umupong gobernador. Ipagpapatuloy naman ni Remy Albano ang kanyang paninilbihan para sa kanyang huling termino bilang bise gobernador.
Balik serbisyo naman ang dalawang nahalal na top officials ng Kalinga. Nanalo si dating vice governor James Edduba bilang gobernador laban kay incumbent governor Ferdinand Tubban. Noong 2019 elections, naging mahigpit ang laban ng dalawa kung saan, lamang si Tubban ng 10 votes kay Edduba. Nahalal namang vice governor si Jocel Baac na dati ring naging gobernador ng lalawigan.
Naluklok para sa kanyang huling termino si Congressman Allen Jesse Mangaoang. "As I buckle down again to work as your representative in Congress, my main focus is to continue the development and legislative initiatives which we have started in our previous terms. Be assured that I carry with me the vision of all IKalingas in this continuing mandate and that I shall endeavor to do the best I can, as I wish also to punctuate my last term with an exclamation mark," ang pahayag ni Mangaoang.
Muli ring nahalal sa Mountain Province sina Congressman Maximo Dalog Jr., Governor Bonifacio Lacwasan, at si Vice Governor Francis Tauli.
"Our main focus now turns to ensuring a unified public service ever mindful and motivated to prioritize legislations and projects that will elevate our province to greater heights. As I go back to continue representing you in Congress, I am encouraged all the more to work and serve you with humility, passion, affection and dedication," ang mensahe ni Dalog sa kanyang mga kababayan.
Sa katatapos na eleksyon, isa lang ang panawagan ng karamihan ng mga mamamayan ng rehiyon, ang mabuo ang mga relasyong nagkalamat nang dahil sa pulitika at mapagtibay ang samahang bumibigkis sa pagkakakilanlan ng mga 'agkakailyan' dahil iisa lamang ang hangarin ng bawat isa, ang makamit ang pag-unlad na inaasam. (JDP/DEG-PIA CAR)