Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ang buwan ng Hunyo ay ‘No Smoking Month’

Tuwing Hunyo ginugunita ang "No Smoking Month". Tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Tobacco: Threat to our life! Vape and Smoke-Free Environments for a Healthy Pilipinas”.

Sa taya ng Department of Health (DOH), umaabot sa higit 110,000 Pilipino ang namamatay mula sa mga sakit na kaugnay ng tobacco, kaya naman pinaigting pa ng ahensya ang mga programa nito, lalo ngayong pandemya upang hikayatin ang mga Pilipino, partikular na ang mga kabataan, na pigilan ang ugali ng paninigarilyo.

Lumalabas sa ilang mga pag-aaral na nahaharap ang mga taong naninigarilyo sa panganib ng mas malalang komplikasyon ng COVID-19 dahil sa paghina ng immune system na mabisang panlaban sa iba't-ibang uri ng sakit.

Ayon sa World Health Organization, pangunahing sinisira ng paninigarilyo ang baga, puso, at iba pang bahagi ng katawan na maaaring magdulot ng mas malalang kaso ng COVID-19.

Karaniwan ding nakikita ang paninigarilyo sa mga social activity, kaya't maaaring mas lalong kumalat ang virus sa bawat isa.

Aniya, mapapabilis ang contact ng coronavirus sa katawan ng naninigarilyo dahil sa hindi malinis na kamay na pinaghawak sa sigarilyo, maaaring makapasok ang virus sa bibig, ilong, at mga mata.

Ngunit hindi lamang sa naninigarilyo mataas ang banta ng mga impeksyon kundi pati sa mga taong exposed sa second-hand smoke o mga taong nakakalanghap ng usok ng sigarilyo mula sa isang indibidwal, kaya't mahalagang tandaan na iwasan ang paninigarilyo sa loob ng tahanan, sasakyan, o sa lahat ng mga pampublikong lugar.

'Quit plan'

Kung nagbabalak nang tumigil sa paninigarilyo, maaaring makipag-ugnayan sa toll-free, 24-hour DOH Quitline Number na 1558 para kumonsulta sa iba't-ibang 'quitplan' sa pagtigil sa bisyo. Libre ang pagtawag sa Quitline at nagbibigay pa ng libreng counseling at nicotine patch.

Maaari ding makipag-ugnayan sa Lung Center of the Philippines Smoking Cessation Clinic sa 0921-2039534 at 0977-6277539.

Ayon sa DOH, ilan sa pakinabang ng paghinto sa paninigarilyo ay pagbaba sa kalahati ng panganib ng pagkakaroon ng coronary heart disease sa loob ng isang taon, pagbawas sa panganib ng stroke sa loob ng lima hanggang 15 taon, at pagbawas ng tsansa ng atake sa puso.

Tandaan na sa pagiging smoke-free ng bansa, kailangan ang tulong, kooperasyon, at edukasyon ng bawat isa.


About the Author

Christopher Hedreyda

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch