Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Doktor mula sa Marinduque Prov'l Hospital, pinarangalan

Pinarangalan bilang 'Most Outstanding Physician' para sa taong 2022 ang isang medical doctor mula sa Marinduque Provincial Hospital (MPH).

Tinanggap ni Dr. Annette Magno-Macayaon ang isa sa pinakamataas na parangal na iginagawad ng Philippine Medical Association (PMA) sa mga miyembro nito na nagpakita ng kahusayan at nagbigay ng natatanging serbisyo sa mga mamamayan.

Ayon sa sertipikong ipinagkaloob kay Macayaon, naging aktibo ang doktor sa lahat ng mga proyektong ginawa ng PMA sa mga nakaraang taon partikular sa mga serbisyong medikal na pinangunahan ng Marinduque Medical Society.

Isa rin aniya ang mangagamot sa nagpakita ng hindi matatawarang serbisyo para sa mga mamamayan ng lalawigan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa flag raising ceremony sa kapitolyo kamakailan ay binigyan din ng pagkilala si Dr. Annette Magno-Macayaon ng pamahalaang panlalawigan. (Larawang kuha ni Romeo Mataac Jr/PIA)

Si Macayaon ay kasalukuyang medical specialist, chairperson ng Human Immunodeficiency Virus o HIV Treatment Hub at tumatayong head sa OB Department ng panlalawigan ospital ng Marinduque.

"Sa loob po ng 20 taon na aking paglilingkod, ito po ang unang pagkakataon na tumayo sa entabladong ito kaharap ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan. Ginawa ko lamang po ang nararapat bilang isang lingkod bayan at patuloy akong magsisilbi hanggat kailangan ng ating mga kababayan ang aking serbisyo," pagtatapos ni Dr. Macayaon.

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch