Mga atletang wagi sa mga palaro, kinilala ng Sangguniang Panlunsod

Kinilala ng Sangguniang Panlunsod ng Puerto Princesa City ang mga atletang nagwagi sa ibat-ibang palaro na ginanap sa bansa at sa ibang bansa. Ito ay sa pamamagitan ng kanilang ipinasang mga resolusyon para sa mga manlalaro sa naganap na regular na sesyon Hunyo 13, 2022.
Bago ito ay nagbigay ng isang privilige speech si City Councilor Elgin Damasco kung saan kaniyang isa-isang binanggit ang mga pangalan ng atleta. Ayon sa kaniya, kabilang sa mga atleta ay si Ronsited Gabayeron na nakakuha rin ng bronze medal sa Sepak Takraw sa katatapos na 31st South East Asian Games sa Vietnam.
Sa 2022 National Invitational Sports Competition naman sa Iloilo City, nagkamit ng dalawang gold at isang silver medal para sa swimming girls competition si Quendy Fernandez, habang si Maglia Jaye Dignadice ay nakakuha rin ng silver at bronze medal at si Aldie Heaver Palma nakakuha ng bronze medal. Sa athletics girls nakakuha naman ng silver medal si Nikki Anne Dalnay.
Sa World Archery Philippine Asia Cup na ginanap sa Dumaguete City ay nakakuha ng dalawang gold medal si Ada Sophia Lagrada, habang si Kyna Ellice Cadiz ay nakakuha ng bronze medal.
“Wala po sigurong rason para hindi natin bigyan ng papuri o award of recognition itong mga kabataang ito na nagbigay ng karangalan sa ating minamahal na Puerto Princesa,” pahayag pa ni Konsehal Damasco.
Matatandaang nauna nang nabigyan ng konseho sa kanilang sesyon noong Hunyo 6, 2022 ng parehong pagkilala si Josie Gabuco na nakakuha ng bronze medal para sa larong boksing sa SEA games. Ipinakilala at pinapurihan rin ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa ang mga atleta sa naganap na flag-raising ceremony sa gusaling panlunsod noong Hunyo 13, 2022. (MCE/PIA MIMAROPA)