Walang sino man ang nangangarap na mahiga sa isang napakagandang kama sa loob ng isang air conditioned room sa isang ospital. Walang may kagustuhang laging binibisita ng mga magagaling na espesiyalista at magbayad ng malaking halaga – subalit ito ang realidad ng buhay – na dahil sa ating maling lifestyle kasama na ang mga bisyo, at dahil sa ating pagsasawalang bahala sa ating mga simpleng karamdaman at unti-unti na nating napapabayaan ang ating kalusugan at sa bandang huli, wala na tayong choice kundi magpagamot.
Para sa mga doctor, mahirap manggamot kung kulang sa mga pasilidad lalo na yung mga high-tech equipment kung kaya’t kailangan pang ipadala ang mga pasyente sa mga malalaking ospital sa Metro Manila upang doon gamutin dahil kompleto sila sa mga sopistikadong kagamitan.
Ayon kay Dr. Cherry Lou Antonio, Chief Medical Profesisonal Staff ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), para sa kanilang mga neurologist ay pangarap lang nila ang isang Acute Stroke Unit na magbibigay ng tinatawag na specialized care para sa mga pasyenteng mayroong suspected or acute stroke subalit ito ay nagkaroon ng katugunan matapos maipatayo ang isang building para dito bilang bahagi ng infrastructure development ng nasabing ospital.
Subalit hindi inakala ng lahat na kalaunan ay ipapatayo rin ang tatlong palapag o 3-storey Brain and Spine Center – ito ang magiging kauna-unahan sa rehiyon na binubo tinatawag na multi-disciplinary team ng mga specialists sa Brain & Spine. Ito ay may latest technology to diagnose na kayang gamutin ang mga kondisyon sa utak, spine at nervous system.
Ito ay ilan lamang sa mga pangarap ng CVMC ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, ang medical center chief ng ospital kung saan pinaghandaan ang mga pangangailangan ng CVMC mula sa training ng mga medical workers, hanggang sa sistema at infrastructure development.
Ang 3-storey Brain and Spine Center ay ilan lamang sa mga nakatakdang ipapatayo sa CVMC na nakapaloob sa 10-year hospital development plan na ayon sa kanya ay halos 50% na ang nakamit ng CVMC.
Ilan lamang sa mga nakatakdang ipapatayo ay ang mga specialty centers tulad ng Heart and Lung Center, 100-units Dialysis Center, Trauma Center at ang Brain and Spine Center kasama na rin dito ang training ng mga personnel at pagbili ng mga makabagong kagamitan na hahantong sa hangad na maging mega-health center ang CVMC sa buong Luzon.
Sa kanilang pagdalaw sa CVMC, namangha si Department of Health (DOH) Facilities Enhancement Programs Director Dr. Leonita P. Gorgolon dahil sa mga nakitang kaganapan sa loob ng hospital.
Nagpahayag din si DOH Undersecretary Lilibeth David ng pagkamangha sa mga nakitang development ng CVMC at maging ang napakagandang response ng ospital sa kasagsagan ng COVID-19.
Lubos naman ang pasasalamat ni Baggao sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanyang pamunuan lalo na ang DOH central office at sa lahat ng mga tumulong at makiisa upang magamit ng CVMC ang mga hangad nitong imprastraktura para hindi na kailangang gumastos at pumunta sa Metro Manila ang mga pasyenteng narito sa Northern Luzon. (OTB/GVB/PIA-Cagayan)