Provincial Skills Competition ng TESDA, sinimulan na sa lalawigan
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Sa 75 paaralan ng vocational at kolehiyo sa buong lalawigan, lima dito ang pinalad na mapabilang sa taunang kompetisyon na Provincial Skills Competition (PSC).
Ang kompetisyon ay ito ay isinasagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at sinimulan kamakailan sa Simeon Suan Vocational and Technical College (SSVTC) sa bayan ng Bansud.
Sa eksklusibong panayam ng Philippine Information Agency (PIA)-Oriental Mindoro kay TESDA Regional Director (RD) Dante J. Navarro, sinabi nito na “ang magwawagi sa kompetisyong ito para sa kategorya ng lalawigan ay lalaban sa mga magwawagi mula sa apat pang lalawigan sa rehiyon at pagkatapos ay lalaban naman para sa nasyunal hanggang sa marating ang ASEAN Skills Competition, kung saan makakatunggali ang mga nagwagi mula sa 10 bansa na kasapi ng ASEAN at ang mananalo dito ay kakaharapin ang mga nagwagi mula sa mahigit 80 bansa para sa World Skills Competition.”
Ang limang paaralan na lalahok ay mula sa tatlong pribadong paaralan, ang Southwestern College of Maritime, Business and Technology, St. Mark Arts and Training Institute at Paradigm College of Science and Technology sa Roxas, habang ang dalawang paaralan ng TESDA ay ang Oriental Mindoro Provincial Training Center sa San Teodoro at SSVTC ay maglalaban-laban para sa mga larangan ng welding, restaurant service, fashion technology, automobile technology, bakery, cooking at electric installations.
Ang bawat larangan ay binubuo ng 1-3 miyembro kasama ang tagapagturo na sumailalim sa matinding pagsasanay.
Samantala, dumalo din si Provincial Administrator Dr. Hubbert Christopher Dolor na kumatawan kay Gob. Humerlito Dolor. A
“Paglalaanan ng Pamahlaang Panlalawigan ng pondo ang ganitong aktibidad ng TESDA para suportahan ang mga paaralang nais makilahok sa nasabing kompetisyon at ipakita na ang Mindoreňo ay may angking talento sa lahat ng larangan na siyang magbibigay karangalan sa buong lalawigan,” ayon kay PA Dolor.
“Sa bawat oras tayo ay dapat makipagpaligsahan, hindi para magmalaki kundi dapat maging handa sa lahat ng pagkakataon. Magagamit natin ang talentong ito sa hinaharap gayundin ang pagpapalawig pa ng ibang kaalaman ng mga kawani ng TESDA upang patuloy nilang mahubog ang kaalaman, talent at kakayahan ng mga pursigidong estudyante. Ito ang tanging yaman na kanilang maipagmamalaki,” pagtatapos na mensahe ni RD Navarro. (DN/PIA-OrMin)