Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Northwest Tourism Circuit sa Puerto Princesa, inilunsad

Northwest Tourism Circuit sa Puerto Princesa, inilunsad

Ang isa sa mga rock formation na makikita sa Hundred Caves sa Barangay Tagabinet, Puerto Princesa City (Larawan ni Mike Escote)

Inilunsad ng City Tourism Office ng Puerto Princesa City ang Northwest Tourism Circuit kasama ang mga Community Based Sustainable Tourism (CBST) groups noong Hunyo 16 sa Barangay Tagabinet, Puerto Princesa City.

Ang CBST sa Northwest Tourism Circuit na pangunhing naka-angla sa Underground River ay binubuo ng Hundred Caves, at Ugong Rock sa Barangay Tagabinet, Buenavista Viewdeck sa Barangay Buenavista, Isla Felomina sa Barangay New Panggangan, Baruang Magic island sa Barangay Macarascas,  Sabang Mangrove Paddle Boat, Jungle Trail, Sabang Falls at Sabang Sea Ferry sa Barangay Cabayungan.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Acting City Tourism Officer Demetrio Alvior, na layunin ng aktibidad na ipaalam sa lahat na ang mga pasyalan na ito ay bukas na at handa nang tumanggap ng mga bisita.

Hinikayat niya rin ang mga namumuno at miyembro ng mga CBST na magsagawa ng mga pagbabago sa kanilang mga ibinibigay na serbisyo para mas lalong dumami ang bumisita sa kanilang lugar lalo na’t  alam niyang dumaan ang mga ito sa hirap dulot ng Covid-19 pandemic at bagyong Odette.

“Ang pinakauna nating gagawin ay dapat ayusin natin ang mga services natin, kung sa inyo sa mga destinations, hindi puwedeng bago mag-pandemic yun pa rin hanggang ngayon ganun pa din dapat nag-i-inovate tayo” saad pa niya.

Target aniya kasi nila na ang dating tatlong gabi at apat na araw na inilalagi ng mga bisita sa siyudad ay mapahaba sa limang gabi dahil makakatulong ito sa ekonomiya ng siyudad kaya dapat aniya ay maraming mapasyalan ang mga bisita at maraming aktibidad na gagawin.

Kaya binuo aniya ang konsepto ng 'Tourism Circuit' na nakabase sa political boundary ng siyudad para maraming pagpipilian ang mga turista. Ang Circuit 1 ay ang Northwest Tourism Circuit aniya, Circuit 2 ang Northeast ng lunsod na lubhang tinamaan ng bagyong Odette, Circuit 3 ay ang Honday bay kung saan maaaring mag-island hopping, Cirtcuit 4 ang Central Business District kung saan maaaring mag-City tour, at Circuit 5 ay ang West coast area kung saan naroon ang world class beach destinations sa Barangay Napsan, Simpocan at Bagong Bayan. Circuit 6 naman ang Accacia tunnel sa bahaging sur ng siyudad partikular na sa Barangay Inagawan.

Samantala, nangako naman si Vice Mayor Nancy Socrates na tutulong ang kaniyang opisina para mas mapaunlad ang mga CBST, maari aniyang tumungo ang mga namamahala nito sa kaniyang tanggapan.

Ayon naman kay Ginoong Mario Claud, Presidente ng Hundred Caves CBST, malaking tulong ito sa bawat miyembro dahil dito sila kumukuha ng panggastos sa pampagamot at iba pang gastusin.

Ang 60% aniya na kita sa isang araw ay paghahatian ng mga  miyembrong nagsilbing tour guide sa araw na iyon habang ang 40% naman ay mapupunta sa gastusin ng asosasyon tulad ng pagpapaayos ng mga hagdan, pambili ng flashlight at iba pa. Sa ngayon ay hindi pa aniya masyadong bumabalik ang mga turista subalit umaasa siyang sisigla rin ito muli. (MCE/PIA MIMAROPA)


About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch