‘Parada ng litson’ tampok sa anibersaryo ng Aborlan
Tampok sa pagdiriwang ng ika-73 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Aborlan ang ‘Parada ng mga litson’.
Ayon kay Aborlan Mayor Celsa B. Adier, ang ‘parada ng litson’ na isinagawa nitong Hunyo 28 ay paggunita sa sinaunang kuwento kung saan nagmula ang pangalan ng munisipyo ng Aborlan.
Ang Aborlan ay mula umano sa salitang Ins na ‘a boar land’ dahil noong unang panahon nang dumating sa nasabing munisipyo ang mga amerikano ay marami pang mga baboy-ramo o wild boar na makikita dito kung kaya’t pinangalanan nila itong A Boars’ Land at kalaunan ay umikli na ito sa Aborlan.
Noong Hunyo 28, 1949 naging munisipyo ang Aborlan sa pamamagitan ng Executive Order No. 232. Dating sakop nito ang ngayon ay Munisipyo ng Narra at ang Bgy. Berong at Alfonso XIII na ngayon ay sakop na ng Munisipyo ng Quezon.
Sa kasalukuyan ay mayroong 19 mga barangay ang Aborlan. Ito ay ang mga barangay ng Apo-Aporawan, Apoc-apoc, Aporawan, Barake, Cabigaan, Gogognan, Iraan, Isaub, Jose Rizal, Mabini, Magbabadil, Plaridel, Ramon, Magsaysay, Sagpangan, San Juan, Tagpait, Tigman, Poblacion at Culandanum.
Ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA) 2020 National Census of Population ay mayroong kabuuhang populasyon na 38,736 ang nasabing bayan.
Kasabay naman ng anibersaryo ng Aborlan ay ipinagdiriwang din ang ‘Rakudan Festival’. Ito ay salitang Tagbanua na ang ibig sabihin ay pagtitipon-tipon sa isang partikular na lugar para sa pagpapalitan ng mga produkto. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)