Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

‘Graduation ceremony’ sa gitna ng kabundukan sa Brooke's Point

‘Graduation ceremony’ sa gitna ng kabundukan

Ang limang katutubong mag-aaral ng Kelwi Village Elementary School na nagtapos ng Grade 6. Ang Kelwi Village ES ay isang IP School sa Bayan ng Brooke's Point. Ito ang kauna-unahang graduation ceremony ng nasabing paaralan na ginanap noong Hunyo 27, 2022. (Larawan mula kay TIC Julhan M. Gubat)

Inspirasyon na maituturing ng mga katutubong mag-aaral ng Kelwi Village Elementary School ang kauna-unahang seremonya ng pagtatapos o graduation ceremony na naganap sa kanilang komunidad nitong Hunyo 27, 2022.

Mula kasi nang magkaroon ng pandemya ng COVID-19 ay naapektuhan nito ang lahat, partikular na ang sektor ng edukasyon kung saan dahil sa pandemyang ito ay nagbago ang pagsisimula at pagtatapos ng mga klase sa lahat ng paaralan sa bansa, pampubliko man o pampribado.

Ngayong unti-unti nang lumuluwag ang sitwasyon dahil na rin sa pagbaba na ng kaso ng COVID-19 ay pinayagan na rin ang ‘face-to-face’ na mga aktibidad tulad ng klase at mga seremonya ng pagtatapos o graduation ceremonies.

Para sa School Year 2021-2022, ngayon Hunyo ang panahon ng recognition rites at graduation ceremonies na itinakda ng Department of Education (DepEd).

Isa nga sa mga nagsagawa ng seremonya ng pagtatapos ay ang Kelwi Village ES, isang Indigenous People (IP) School na matatagpuan sa gitna ng kabundukan ng Bgy. Saraza sa bayan ng Brooke’s Point.

Ito ang kauna-unahang seremonya ng pagtatapos ng nasabing IP School simula ng maitatag ito noong Hunyo 2016, kung saan limang estudyante ang nagtapos dito ng Grade 6.

Ayon kay Julhan M. Gubat, Teacher In-Charge ng Kelwi Village ES, nasa 139 ang lahat ng mag-aaral dito na nagmula sa Kinder hanggang Grade 6 na tinuturuan ng anim na mga guro.

Ani Teacher In-Charge Gubat, isang payak na entablado na pinalamutian at itinayo sa gitna ng kabundukan katabi ng kanilang paaralan ang naging saksi ng pagtatapos sa Grade 6 ng limang katutubong mag-aaral. Sinaksihan din ito ng kani-kanilang mga magulang at mga magulang ng iba pang mag-aaral sa nasabing paaralan.

Kapos man sa pasilidad at mga kagamitan, inspirasyon pa rin ng anim na guro ng Kelwi Village ES ang maturuan ang mga katutubong Pala’wan kahit na maglakad ang mga ito ng mahigit anim na oras mula sa paanan ng bundok.

Ang nasabing paaralan ay mahigit pitong kilometro ang layo mula sa poblacion ng Bgy Saraza.

Sa kuwento ni TIC Gubat, lahat ng limang nagtapos sa Grade 6 ay nais maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa high school sa susunod na pasukan.

Ang limang mag-aaral ng Kelwi Village ES kasama ang kanilang guro na si Louniel Dolorin Nale sa kanilang payak na entablado. (Larawan mula kay TIC Julhan M. Gubat)

Isinabay na rin aniya sa graduation ceremony ang pagbibigay ng pagkilala o recognition rites ng mga katutubong mag-aaral na nasa mababang antas na nakakuha naman ng matataas na grado. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch