PWDs sa Calapan, tumanggap ng ayuda mula sa NGO, LGU
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Tumanggap ang nasa 58 kasapi ng samahan ng may kapansanan mula sa 62 barangay sa lungsod na ito ng ayuda buhat sa isang non-government organization (NGO) sa pamamagitan ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) at sa inisyatibo ng pamahalaang lungsod.
Dumalo sa unang pagkakataon si City Mayor Malou Morillo, isang araw matapos makapanumpa sa tungkulin at unang aktibidad na kanyang dinaluhan upang ipakita ang suporta sa hanay ng mga may kapansanan at malaman ang mga pangangailangan ng nasabing sektor na isinagawa sa covered court sa lugar ng city hall.

Nagkaloob ang NGO na Elite Tamaraw Eagles Club na pinamumunuan ng pangulo na si Edmund Casanova at mga kasamahan nito ng mga bag na naglalaman ng noodles, sabon, bigas, delata at iba pa, na siyang paglilingkod sa pamayanan ng grupo at suporta sa pamahalaang lungsod.
Samantala, sinabi ni Mayor Morillo na handa ang pamahalaang lungsod na magpatayo ng isang mental health facility gayundin ang paglalaan ng pondo para sa sektor ng may kapansanan upang mapalakas pa ang hanay.

“Handa kong suportahan ang inyong mga pangangailangan at sa pamamagitan ng PDAO ay mapapagtagumpayan natin ang lahat ng hamon na ating kinakaharap sa buhay kaya magtulungan tayo para mas lalong gumanda ang ating pagsasama,” pagtatapos na mensahe ng alkalde.
Nakiisa din sa nasabing aktibidad si PDAO Head Benjamin Agua Jr., at ang pansamantalang tumatayo na pangulo ng pederasyon ng may kapansanan sa lungsod na si Ronald Bulan at mga pangulo ng may kapansanan sa barangay. (DN/PIA-Oriental Mindoro)