Mga produktong OrMin, tampok sa ‘Kalakalan sa Buwan ng Wika’
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Pormal nang binuksan sa lungsod na ito ang kauna-unahang ‘Kalakalan sa Buwan ng Wika’, sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI) – Oriental Mindoro na kinatatampukan ng mga produktong gawa sa lalawigan gayundin ang mula sa Marinduque na ginanap sa City Mall Calapan kamakailan.
Magkatuwang sa nasabing aktibidad sina DTI Provincial Director Arnel Hutalla, Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor at Punong Lungsod na si Mayor Marilou Flores-Morillo upang hikayatin ang mamamayan na tangkilikin ang samu’t-saring produktong lokal na nagmula sa 14 na bayan at isang lungsod ng lalawigan tulad ng Banana Chips, Calamansi Juice, salabat, pulot o honey, suman, kalamay, mga sariwang gulay at marami pang iba sa presyong abot kaya ng bulsa.

Maliban sa naturang aktibidad, magkakaroon din ng ‘Araw ng Sariwang Ani’ at matutong gumawa ng iba’t-ibang putahe gamit ang sariwang ani at lokal na produkto, linangin ang kaalaman sa mga pamamaraan ng pagbebenta, magplano sa pagpapaunlad ng produkto, matutong magnegosyo, kaalamang pananalapi at magplano pa para sa patuloy na pag-unlad ng negosyo.

Ang ‘Kalakalan sa Buwan ng Wika’ ay sinimulan noong Agosto 13 na magtatapos sa Agosto 19 bilang paggunita sa buwan ng wika na ipinagdiriwang sa buong bansa. (DN/PIA-OrMin)