Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kapitan ng Ansiray, imahe ng serbisyong may galing at malasakit sa kapwa

Likas na kay Kap. Marlon Ramintas ang pagiging matulungin sa kapwa at lalung-lalo na ito nakita at naramdaman ng kaniyang mga kabarangay noong kasagsagan ng pandemya. (Larawan mula sa personal na FB account ni Kap. Ramintas)

Bilang bahagi ng selebrasyon ng pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng Civil Service Commission, iba’t-ibang aktibidad at programa ang isinasagawa upang gunitain ito. Kaugnay nito, isinagawa ng CSC Region 4 Field Office ang 2022 Regional Honor Awards Program and Regional Photography Contest Virtual recognition rites via FB Live at Zoom noong Setyembre 8.

Kabilang sa mga naparangalan ng CSC Dangal ng Bayan Regional Award sa patimpalak ay si Kapitan Marlon S. Ramintas, Barangay Kapitan ng Brgy. Ansiray sa San Jose, Occidental Mindoro. Isang Mindoreno  na nakapagkamit ng karangalan na talagang nasa puso at isipan ang serbisyo publiko, lalung-lalo na para sa kapakanan ng mga mamamayan na kaniyang nasasakupan.

Kung susumahin ang kasalukuyang karera ng pagiging lingkod bayan ni Kap. Marlon, tatlong salita ang pumapasok sa isipan ng karamihan na nakakakilala sa kaniya-- maayos na pamamahala, matapat, at may pananagutan sa kaniyang mga nasasakupan.

Dahil dito, lubos siyang hinahangaan ng lahat, maraming kababayan niya ang malapit ang loob sa kaniya dahil sa angkin nitong kasimplehan, tapat sa mga tao at higit sa lahat diskarte na may puso na sa tuwina’y mga kabarangay niya ang kaniyang nasa isipan bago gumawa ng desisyon.

Musmos pa lamang si Kap. Marlon ay nakitaan na ito ng kagustuhan na maglingkod, mula sa isang simpleng pangarap, pinasok ni Kap. Marlon ang mundo ng pulitika. Siya ay nagsimula bilang SK Kagawad, Barangay Kagawad at hindi kalaunan ay nahalal bilang punong barangay. Bukod sa kaniyang tungkulin sa kanilang barangay ay nahalal din itong ABC President ng mga Liga ng Barangay sa bayan ng San Jose, hindi dito natatapos ang mga nakakahilong lagom sa kaniyang paglalakbay bilang serbisyo publiko, naging Ex-Officio member din siya ng Sangguniang Bayan ng San Jose.

Kung marami sa atin ay hilig ang magkutingting ng mga selpon at iba pang gadget, si Kap. Marlon ay may angkin ding husay sa electronics. Noong mga panahon na wala pang kuryente sa kanilang barangay ay siya mismo ang gumagawa ng kaniyang sariling sound system. Gamit ang isang maliit na baterya, naidadaos ang mga iba’t-ibang ganap sa kanilang lugar tulad ng mga liga dahil na rin sa angkin nitong diskarte.

Noong nagkaroon ng pandemya at mga malawakang lockdown, dito nasubukan ang angking galing at diskarte ni Kap. Dahil ang isla nila ay malayo sa kabihasnan, nahiwalay ang kanilang barangay. Dahil sa kagustuhan na matulungan ang kaniyang mga kabarangay mula sa kinakaharap nilang suliranin, nagpatawag siya ng isang meeting upang gumawa ng isang resolusyon na payagan ang kaniyang mga kagawad na makahingi ng ayuda sa kalapit na sitio.

Ginamit rin ni Kap. Marlon ang kapangyarihan ng social media noong mga panahon na iyon, dahil alam niya na malayo ang mararating ng kaniyang mensahe kapag nabasa ito ng iba pang mga tao. Dahil dito, bumuhos ang tulong sa kanilang barangay na hindi naman lubos inaasahan nito. Ang higit pang nakamamangha ani Kap. Marlon na ang isang maliit na isla na katulad nila ay nakakapagbahagi ng tulong sa mga mas malalaking barangay kaysa sa kanila.

Hindi dito natatapos ang suliranin ni Kap. Marlon, dahil kaalinsabay ng banta ng pandemyang Covid-19 at epekto nito sa kanilang barangay, naapektuhan din ang sektor ng edukasyon at napagtanto ni Kap. Marlon na walang kakayahan ang mga estudyante sa kanilang lugar upang makapag online learning. Ilan lamang sa kinaharap na problema ng mga ito ay ang kawalan ng computer, hindi lahat ay may smart phone at higit sa lahat pawala-wala ang signal sa kanilang lugar, dahilan upang maantala ang kanilang pag-aaral.

Dahil sa kaniyang husay sa pagkumpuni ng electronics ay agad siyang bumuo ng bandilyo sa kanilang barangay. Kinabitan niya ito ng tatlong trompa, amplifier at mixer at itinayo sa pinakamataas na bahagi ng barangay hall upang marinig ng mga kalapit na sitio. Ginamit rin ng mga guro ang bandilyo upang makapagturo sa mga estudyante, dahil noong kasagsagan ng pandemya, nasa loob lamang ng tahanan ang mga ito.

Luma man kung maituturing ang naging estilo ni Kap. Marlon, ngunit naging malaking tulong ito sa mga kabarangay niya lalung-lalo na sa mga estudyanteng walang kakayahan na makapag online learning modality. Simbolo ang bandilyo nang kahusayan at nag-uumapaw na kagustuhan na makatulong sa kapwa sa panahon ng pangangailangan lalo na ngayong pandemya at maging sa panahon ng mga kalamidad. (JJGS/ PIA MIMAROPA)

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch