
Si Jie Anne M. Villacrusis, 24 taong gulang at residente ng Victoria, Oriental Mindoro ay matagal nang tumutulong sa kaniyang magulang upang mag-ani sa sakahan ng iba. Matatagpuan ang sakahan na ito sa Villa Cerveza, Victoria ng naturang lalawigan.
Ngayong siya ay nakapagtapos na ng kursong Bachelor of Science in Agriculture (BSA) Major in Crop Science, naging malaking adbentahe ang matagal nitong karanasan sa pagsasaka upang makakuha ng tulong mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) na mapagkalooban ng 8,900 square meters na lupang sakahan. Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) Executive Order No. 75, series of 2019.
Inilahad ni Jie Anne ang pangarap nitong magkaroon ng sariling lupa. Aniya, “Sabi ko noon pangarap ko talaga na balang araw magkaroon kami ng sariling lupa para hindi na kami yung nag-uupa, di na nangungupahan sa iba para lang magbukid. Sabi ko noon makagraduate lang talaga ako, plano ko talaga na bibilhan ko si Papa ng sariling lupa. Pero sa tulong po ng DAR nagkaroon kami ng sariling lupa ngayon at dream come true para sa amin lalo kay Papa”.
Ipinanganak si Jie Anne sa Brgy. Alcate, Victoria, Oriental Mindoro at noon ngang kabataan nito ay walang kahit anumang pag-aari ang pamilya ni Jie Anne kaya napilitan ang mga ito na magtrabaho at magsaka sa lupain ng iba. Sa musmos na edad pa lamang ay naranasan na nito ang hirap ng buhay, dumating pa sa punto na nangangalap siya at ang kaniyang mga kapatid ng makakain sa kagubatan.
Bilang pinaka bata sa anim na magkakapatid, siya at ang nag-iisa nitong kapatid na babae ay nagkaroon ng ibang kapalaran kumpara sa iba pa nitong mga nakatatandang kapatid. Nagkaroon ng pagkakataon na makapag-aral ang mga ito, bagay na pinagsumikapan ng magkapatid.
Nakapagtapos si Jie Anne bilang Bachelor of Science in Agriculture (BSA) Major in Crop Science noong 2019 sa Mindoro State University. Ngunit, hindi naging madali ang pinagdaanan ng dalaga bago makapagtapos, lalung-lalo na sa usaping pinansyal.
“Nung nag-aaral po ako, sobrang hirap kasi nag-pang abot kami ni Ate sa college. Eh magkano ang tuition noon? Tapos si Papa ay konti lang naman ang kinikita”, saad ni Jie Anne. “Naranasan ko na minsan may babayaran kami na mga papel sa school. E di iiyak ako nun, iiyak ako kay Mama kasi wala kaming pambayad. Ay di iintayin pa namin na magkaroon kami ng extra si Papa o kaya makapanghiram sina mama sa ibang tao para may pambayad kami,” ani Jie Anne.
Ngunit, hindi nagpatinag si Jie Anne, iginapang nito ang kaniyang pag-aaral at noon ngang 2019, nakapagtapos ito. Aniya, talagang inialay niya ito sa kaniyang mga magulang na naghirap para sa kanilang magkakapatid.
At ngayong taon na kasalukuyan, Enero 17, tinanggap na ni Jie Anne ang titulo ng lupa sa isinagawang DAR Certificate of Land Ownership Award (CLOA) distribution activity na ginanap sa Mindoro State University Main Campus Auditorium, Alcate, Victoria, Oriental Mindoro. Kabilang si Jie Anne sa 220 na Agrarian Reform Beneficiaries na nakatanggap ng titulo ng lupa mula mismo kay Undersecretary Elmer Distor, ATI-Mimaropa Regional Director, Atty. Marvin Bernal at dating PARPO II Engr. Isagani Placido.
Pinangasiwaan naman ni Senior Agrarian Reform Program Technologist (SARPT) Rizaldy S. Abog ang pagtukoy sa mga karapat-dapat na bigyan ng mga titulo ng lupa, lalung-lalo na sa mga estudyanteng nakapagtapos ng Agrikultura sang-ayon na rin sa pamantayan ng DAR Administrative Order No. 03, Series of 2020.
Bago pa man matanggap ni Jie Anne ang naturang titulo, wala nang mapagsidlan ang galak nito dahil ayon sa kaniya isa ito sa matagal na niyang pinapangarap para sa kaniyang pamilya.
“Parang walang hanggang pasasalamat po gusto kong sabihin sa government sa programang binigay na ito sa mga graduates ng agriculture, sa mga anak ng magsasaka. Kasi kung di dahil po sa inyo siguro ay, hindi matutupad ang pangarap ko at pangarap nina Mama, pangarap po namin”, ani Jie Anne.
Hindi maipagkakaila na ang pagsasaka ang silakbo ng damdamin ni Jie Anne, kung kaya’t lahat ng inaral niya mula sa kursong kinuha niya ay talagang ini-apply niya sa lupaing matatawag na niyang kaniya. Lubos din ang naging pasasalamat nito sa pamahalaan na aniya ay napakalaking tulong hindi lamang sa kaniya kundi maging sa buong pamilya niya.
“Napakaganda ng programang ito ng gobyerno kasi kahit anak ako ng farmer, wala kaming sariling lupa. Ngayon mayroon na akong sariling lupa, tapos agriculture student po ako parang mapa-practice ko din lahat ng mga natutunan nun sa school. Saktong sakto po talaga. Parang advantage para sa akin na yung mga natutunan ko madali ko po mai-apply. Dahil anak nga ako ng farmer, laki sa bukid, sanay na sanay sa trabaho sa bukid,” bulalas ni Jie Anne.
Ipinangako naman ni Jie Anne na pangangalagaan niya itong biyaya na ito at mas papayabungin pa. Sa kasalukuyan, si Jie Anne ay aktibong miyembro ng Muravilla ARB and Irrigators Organization (MARBIO) ng Barangay Alcate, karamihan sa mga kasama niya rito ay kapwa ARBs din.
Naniniwala si Jie Anne na simula ngayon, hindi na magiging malabo ang hinaharap nito sa tulong ng lupa na ipinagkaloob sa kaniya, talino at kakayahan mula sa edukasyon niyang natamo at suporta mula sa kaniyang mahal na pamilya. (JJGS/ PIA MIMAROPA)
(Larawan sa pinakataas na bahagi mula DAR Mimaropa Facebook page.)