Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Gintong Butil Agri Farm, bisitahin

Gintong Butil Agri Farm, bisitahin

Unti-unti nang sumisigla ngayon ang turismo ng Puerto Princesa City matapos ang dalawang taong pagkalugmok  dahil sa Covid-19 pandemic.

Dahil "new normal" na, binago rin ng City Tourism Office ang ilan sa kanilang mga istratehiya sa paghikayat ng mga turista upang maitampok ang  mga lugar na kabilang sa Community-Based Sustainable Tourism. Nagkaroon ng clustering ng pasyalan at nagdagdag ng mga atraksyon. Isa na rito ang farm tourism site.

Kung farm tourism ang paguusapan, namumukud-tangi ang Gintong Butil Agri Farm, isang proyekto ng City Agriculture's Office.  Ito ay matatagpuan sa Km. 27, South National Highway, Bgy. Sta. Lucia, Puerto Princesa City.

Ang apatnapung (40) ektaryang bukirin ay bukas  tuwing araw ng Sabado at Linggo mula alas- 9:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon. Ganap na alas- 4:00 ng hapon naman ang huling pagpasok. Walang entrance fee na babayaran subalit limitado lamang sa labindalawang taong gulang na bata pataas ang papayagang makapamasyal. Kailangan rin sumunod sa mga patakaran para maiwasan ang Covid-19 tulad ng pagsusuot ng face mask at dapat magpakita ng vaccination card bilang katibayan na nabakunahan na.

Sa Kadiwa Market ng Gintong Butil Agri Farm ay mabibili sa murang halaga ang mga gulay at prutas. (Larawan ni Mike Escote, PIA Palawan)
Ang mga Button's Flower na makikita sa Gintong Butil Agri Farm, Puerto Princesa City. (Larawan ni Mike Escote, PIA Palawan)

Pero ano ng nga ba ang makikita sa loob ng farm?

Ito ang dahilan kaya ang City Tourism Office ay nag-organisa ng familiarization tour sa mga kagawad ng media sa Puerto Princesa at sa mga kawani ng Pamahalaang Panlusod. Pagdating sa lugar, sasalubong agad ang mga mababait at nakangiting staff ng farm na ituturo sayo ang tamang daan para hindi maligaw.

Iduduyan ka muna ng kanilang hanging bridge bago mo mapuntahan ang kanilang mga taniman at proyekto tulad  na lang ng Bamboo Demo Garden kung saan masisilayan ang iba't-ibang uri ng kawayan. Mayroon ring Citrus-Based Farming System, Fishpond Aquaponics, Cacao Selou Grave and Seed Garden, Calamansi Selou Grave at Urban /Containerized Garden Demo.

Makikita rin dito ang Vegetable Garden Demo, Cashew-Based Farming System, Plant Nursery, Pocket Park and Garden, Farm Animals and Forage Crop, Herbs and Spice Garden, Coco-Based Farming System, Multipurpose hall, Fertilizer & Biopestiside Production Area, Garden of Hope & Reflexology Walkway, Flower Garden, Bridge, Display Center, Mango Selou Grave, Sun flower &Ornamental Plants Cultivation Area, First Aid at poultry house.

Matapos mamasyal ay maaaring bumili ng mga gulay at prutas sa kanilang Kadiwa Market. Mayroon rin ditong mga seafood tulad ng malalaking talaba, at sariwang lato o seagrapes. Maaari ring magmeryenda sa mga upuan at mesa.

Ipinaliwanag ni Miguelito E. Cervancia, Administrative Office V ng City Agriculture kung bakit sa ngayon ay dalawang araw lamang maaaring pumasyal ang mga bisita sa Gintong Butil Agri Farm.

“Actually kaya hindi tayo makapag-operate ng araw-araw for tourism purpose kasi yung farm tourism aspect ay isang malaking bahagi lamang ng ating mga target sa project na ito, kaya maliban doon sa farm tourism aspect kailangan nating magproduce ng halimbawa 150,000 seedlings ng fruit trees at plantation crops, 500 kilograms na vegetable seeds at mga seedling rin ng mga bamboo at may iba-iba pa tulad ng  maintanenance sa parks natin, expansion na ginagawa tapos may mga trainings kaya medyo ganoon ang set up natin ngayon” saad pa niya.

Ang Gintong Butil Agri Farm ay nagbibigay rin ng mga pagsasanay hinggil sa pagsasaka at tamang pagtatanim. Hinihikayat nila ang mga agriculture graduates na kung may sakahan lang din sila ay gamitin ang kanilang matututunan  kasi kailangan na may magpapatuloy sa sektor ng agrikultura  para matiyak ang seguridad at kasapatan sa pagkain.  At kapag tuluyang dumami ang turista ay lalago ang ekonomiya at marami ang magkakaroon ng hanapbuhay. Kaya bisitahin na ang Gintong Butil Agri Farm kung saan makakalanghap ng sariwang hangin, matututo ka pa magtanim.  (MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch