Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Makakalikasang Obra sa Basura

Makakalikasang Obra sa Basura

Ang Lungsod ng Puerto Princesa ay ang kabisera ng Lalawigan ng Palawan na ang mga naninirahan dito ay kilala bilang makakalikasan. Ito ang aking tahanan, kaya responsibilidad kong protektahan ito sa anumang banta, lalo na sa banta ng pagkasira ng kalikasan. Kasabay kasi ng pag-unlad nito ay pagdami ng bilang ng tao at basura. Bagama't may mga lokal at nasyonal nang batas na nagpapabawal sa pagtatapon ng basura at paggamit ng mga bagay na gawa sa plastik, may mga residenteng hirap pa rin itong sundin.

Mabuti na lang, may mga lider na gumagawa ng programa para ang mga basurang ito na pakalat-kalat lamang na kalauna’y kikitil sa lahat ng nilalang ng Diyos, sa lupa, sa himpapawid o sa dagat man ay mapakinabangan. Sa pamamagitan ng mga programang ganito na maipapamalas ang talento, aandar ang malawak na imahinasyon at makakabuo ng isang konsepto ang mga tao. Ito ang ginawa ng tanggapan ni Palawan Third District Representative Edward S. Hagedorn.

Si Jeffrey Pe, ang nakakuha ng unang puwesto sa Kaibigan Cong Kalikasan Basura Art Making Contest Adult Category para sa kaniyang obrang ‘Siodad Cong Makalikasan’. (Larawan ni Mike Escote, PIA Palawan)
Si Charis Sagwyn Almocera, ang nagwagi sa Kaibigan Cong Kalikasan Basura Art Making Contest Youth Category para sa artwork niyang may titulong My home, my responsibility. (Larawan ni Mike Escote, PIA Palawan)

Sa gabay at direksyon ng makakalikasang mambabatas, matagumpay na naisagawa ang ‘Kaibigan Cong Kalikasan, Basura Making Art Contest’ katuwang ang mga local artist sa lungsod. Marami ang sumali  sa patimpalak na may dalawang kategorya, ang Youth Category at  Adult Category kung saan ang mga basurang walang silbi tulad ng  kutsarang plastic, papel, botelyang plastic, karton, styrofoam at marami pang iba ay kanilang binigyang buhay at  ginawang makakalikasang obra at noong October 13, 2022 ay ipinakilala na ang mga nagwagi.

Sa Youth Category, siyam ang nagwagi kung saan pumangatlo si Stephen Gilard Dela Cruz na ang titulo ng kaniyang artwork ay Underground River at nakatanggap ng P10,000; pumangalawa naman si Jade Samyel Daquilanea na ang artwork ay may titulong Pawikan, nakatanggap naman siya P15,000.

 At ang nakakuha ng unang puwesto ay ang Kinse anyos na magaaral ng Palawan National School na si Charis Sagwyn Almocera para sa kaniyang artwork na may titulong My home, my responsibility kung saan ang isang puno na gawa sa alambre at papel ay nakapatong sa bahay ng isang critically endangered na pawikan na yari sa styrofoam; tumanggap ng tumataginting na P20,000.  Ang tatlo ay nakatanggap pa ng bonus pang premyo, nagbigay kasi sa kanila ng Full Tuition Schorlarship ang Full Bright College. Ang pitong (7) iba pang nagwagi ay kapwa nakatanggap ng tig-P7,000.00. Ayon sa batang artist na si Charis, ang nais iparating ng kaniyang obra ay dapat nang iwasan ang pagtatapon ng basura sa karagatan.

Sa Adult Category naman, labing lima (15) ang nagwagi kung saan ang pumangatlo ay si Roderick Pelenia para sa kaniyang obra na ‘Elemento’ na nakapaguwi ng P10,000, at Full Tuition Schorlarship sa Full Bright College pumangalawa si Michael John Pablico para sa kaniyang obra na ‘Binhi’ na nakatanggap ng P15,000 at Full Tuition Schorlarship sa Full Bright College.

Nasungkit naman ni Jeffrey Pe ang unang puwesto kung saan isang Honda Supremo TMX Motorcycle ang kaniyang naiuwi para sa kaniyang obrang ‘Siodad Cong Makalikasan’. Ang iba pang nagwagi ay may naibulsang P7,000.00. Ayon kay Pe, si Congressman Hagedorn ang kaniyang naging ‘subject’ na may hawak na mga basura tulad ng plastic bottles, takip ng bote, balat ng checherya at iba. Aniya, ang ideya ng kaniyang obra kasi ay kapag ang basura ay maayos na naitapon ay maliligtas ang lahat ng nakatira sa ating mundo tulad ng mga hayop. Samantala, namangha naman ang mambabatas sa kaniyang mga nasaksihang obra at nangakong itutuloy-tuloy ang patimpalak.

“Overwhelming ‘yong  naramdaman kong kaligayahan dahil hindi ko akalaing na  talagang naisapuso na pala ng karamihan ng ating mga mamamayan ‘yong pagmamahal sa kalikasan at sa culture and arts kaya ‘nong makita ko ang produkto nila talagang sabi ko, nagkaroon ako ng bagong prioritization ngayon ‘yong ating culture and arts” saad pa ni Hagedorn.

Ang mga ganitong gawain ay isa lamang sa mga hakbang para ang ating kapaligiran ay mapangalagaan kaya dapat lahat tayo ay magtulungan para isulong ang mga aktibidad na magpoprotekta sa ating kalikasan nang ang susunod na henerasyon ay may maabutan pa tulad ng Siodad Cong Makalikasan, My Home, My Responsibility. (MCE/ PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch