Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Parada, showdown nagbukas sa 43rd Lanzones Festival sa Camiguin

CAMIGUIN (PIA)--Naging makulay ang pagsisimula ng 43rd Lanzones Festival sa Camiguin sa pagdaraos nito ng parada, Music and Kabog Showdown, Lanzones 'eat all you can,' at Colors of Camiguin in Circus, Oktubre 23.

Matapos ang dalawang taong pagsasagawa ng festival sa limitadong paraan dahil sa pandemya, tampok ngayon ang iba't ibang aktibidad sa loob ng walong araw para sa mga residente at turista ngunit kaagapay pa rin ang pagsunod sa health protocols.  

"Despite COVID, look at our province now, so many new businesses have opened, tourists and visitors are coming in droves. The DTI recognized us as the fifth Most Competitive Province in the country, ug halos duha ka bulan na ta wala'y kaso sa (at halos dalawang buwan na tayong walang kaso sa) COVID and indeed today, we begin the festival with zero active COVID cases," saad ni Gov. Xavier Jesus Romualdo.

Kasama ang mga ahensya, lokal na pamahalaan ng probinsya at mga munisipyo, paaralan, pribadong sektor, at mga organisasyon, isinagawa ang 'Grand Parade of the Bountiful Harvest of Lanzones' mula sa Mambajao Central School patungong Cong. PPR Tourism and Sports Complex.

Tampok din ang mga kandidata ng Mutya sa Buahanan sa float competition kung saan nanalo ang Provincial Government Office. 

Sa pagkilala ng malaking papel ng paniki sa pagpaparami ng produksyon ng Lanzones, bida ang mga ito sa Music and Kabog Showdown. Nakamit ng LGU Catarman ang unang gantimpala sa Kabog Showdown at LGU Mahinog naman sa Music Showdown.

Sa pagbubukas ng Ugmad o display ng mga lokal na produkto ng isla, pinangunahan ng mga lokal na opisyal ng probinsya kasama ang Department of Tourism o DOT ang libreng pakain ng Lanzones.

Samu't saring pakwela naman ang ibinida ng 13 ahensya at organisasyon sa Opening Salvo na ibinase sa isang sirko. Itinanghal ang Department of Public Works and Highways o DPWH bilang kampeon sa nasabing paligsahan.

Magtatapos ang pagdiriwang sa Oktubre 30 at isasagawa rin ngayong Sabado ang Lanzones Festival Street Dancing Competition.

About the Author

Recthie Paculba

Regional Editor

Region 10

Camiguin Information Center Manager 

Feedback / Comment

Get in touch