Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Cavite Eat-story: Kasaysayan, Pamana at Turismo sa gitna ng pandemya

Tampok sa pagpapatuloy ng Calibrated Tourism Circuit Validation and Assessment ng Department of Tourism (DOT) Calabarzon ang pagpunta sa ilang mga makakasaysayang lugar sa lalawigan ng Cavite.
 
Ito ay bahagi ng tourism recovery and response ng ahensya sa ilalim ng kanilang programang, ‘The Green Corridor Initiative’ na layong maisulong ang regional biodiversity, kultura, kasaysayan at turismo ng rehiyon sa gitna ng pandemya.
 
Ilan sa mga lugar na kasama sa First Nodal Point Tourism Circuit ng Cavite ang bayan ng Tanza, Rosario, Noveleta, Cavite City, Imus City, Kawit at Bacoor.
 
Binisita ang ilan sa mga sikat at ipinagmamalaking lugar sa lalawigan at tinikman rin ang mga pagkaing proudly made in Cavite bilang bahagi ng assessment ng DOT upang suriin ang kanilang kahandaan para sa muling pagpapasigla ng turismo sa rehiyon.
 
Una sa listahan ang Tinapang Salinas mula sa bayan ng Rosario at ang Imus Longganisa na sikat dahil sa balanse nitong lasa na may katamtamang alat at linamnam dahil sa bawang at iba pang mga pampalasa.
 
Kabilang sa mga pagkaing hindi dapat palampasin sa Cavite ang homemade samala rice cakes ng Pat & Sam Delicacies Pasalubong sa Cavite City. Dapat rin matikman ang pinipilahang Digman’s Halo-Halo na matatagpuan sa Bacoor City.
 
Lingid naman sa kaalaman ng nakararami na malaki ang bahagi ng lalawigan sa kasaysayan ng bansa kaya matatagpuan dito ang ilan sa mga atraksiyon tulad ng dating Convento Parroquial De Sta. Cruz sa Tanza na ngayon ay isa nang museo. Matatandaang dito naganap sa harap ng Sta. Cruz ang panunumpa ni Emilio Aguinaldo.
 
Maaari ring bisitahin ang makasaysayang 13 Martyrs Monument sa Cavite City at Aguinaldo Mansion o mas kilala sa tawag na Museo ni Emilio Aguinaldo na matatagpuan naman sa Kawit, Cavite.
 
Dito naganap ang mahahalagang kaganapan sa buhay ni Aguinaldo bilang isang ama, heneral, pinuno ng rebolusyon at ang proklamasyon ng makasaysayang Kalayaan ng Pilipinas noong June 12, 1898.
 
Sa bawat lugar sa ating bansa ay hindi rin dapat kaligtaan ang pagbisita sa mga simbahan tulad na lamang ng Saint Mary Magdalene Parish sa Kawit, Cavite kung saan mismo bininyagan si Emilio Aguinaldo at hinimlay ang kaniyang ama na si Don Carlos Aguinaldo. 
 
Gayundin ang Diocesan Shrine of Our Lady of Solitude of Porta Vaga, San Roque Church sa Cavite City kung saan nandoon ang pinakamatandang larawan ng birhen sa Pilipinas na tinatawag rin bilang Reina de la Ciudad y Provincia de Cavite. (CO/PIA4A)

About the Author

PIA CALABARZON

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch