Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mag-"Pasa Love" na ngayong Kapaskuhan sa Region 1

Ilang linggo na lamang bago mag-Pasko, may naiisip na bang pang-regalo ang lahat?


Isa sa mga kaugalian nating mga Pilipino ay ang pagbibigay ng regalo tuwing sasapit ang Kapaskuhan. Hindi alintana ang hirap ng buhay dahil bago pa man mag-Disyembre ay napag-ipunan na madalas ng mga Pinoy ang kanilang budget para sa kanilang munting pamaskong handog sa mga mahal sa buhay.


Kadalasan, nauubusan na tayo ng mga ideya sa pamaskong regalo, tila ba nakapahirap na sagutin ng kung ano at saan makakabili ng ibibigay para kay nanay, tatay, ate, kuya, o sa mga katrabaho at kaibigan.


Ngayong taon, 100 gift ideas ang hatid ng Department of Trade and Industry Region 1 para sayo!


Tampok ng DTI sa kanilang Christmas Special ng Pasa Love Project ang iba’t-ibang mga lokal na produktong gawa ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ng rehiyon.


Bawat araw ay may ibinibidang isang lokal na produkto sa official Facebook Page ng DTI Region 1 kasabay ng 100 days Christmas Countdown. Kaya naman hindi mo na kailangan pang umalis ng bahay para makapamili ng mga produktong gawa ng MSMEs ng apat na probinsya ng rehiyon.


Nakalagay na rin sa post ang pangalan ng MSME at numerong maaaring tawagan para sa mga katanungan patungkol sa produkto.


Samu’t-saring pang-regalo ang pwede pagpilian gaya ng mga de-kalidad at kahali-halinang mga bag, kasangkapan o dekosrasyon na gawa sa kawayan, bao ng niyog o kahoy, at pati na ang mga makukulay na telang inabel. 


Hindi kaya nama’y mga masasarap na pagkain na may maganda at de kalidad na food packaging tulad ng pickled papaya, tablea cacao, veggie noodles, longganisa, chili paste, puto seko, pinya ham, at marami pang iba. Mayroon ding mga inumin gaya ng wine na gawa sa ubas, mangga, dragon fruit, o bugnay, at gayundin ang mga fruit juice at kape.


Hinihikayat ni DTI Regional Director Grace Falgui-Baluyan ang publiko na bumili ng mga lokal na produkto at tangkilin ang gawang lokal upang matulungan ang kabuhayan at hanapbuhay ng ating mga kababayan.


“Kapag bumili ka ng local products, hindi ka lang nagkaroon ng pangregalo ngayong Pasko kundi nakatulong ka pa sa ating mga local MSMEs at sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa,” binigyang-diin ni Baluyan.


Lumang kasabihan man ngunit tunay ngang hindi lamang sa regalo nasusukat ang diwa ng Pasko. Bagkus, ito ay tungkol sa pagmamahal na maibabahagi natin sa bawat isa, kapamilya man o hindi kadugo.


Mag-Pasa Love na ngayong Kapaskuhan at suportahan ang mga tatak lokal!


Kababayan, sa pag-Pasa Love ay sabay-sabay tayong babangon at titindig sa hamon ng panahon para sa mas magandang bukas!

About the Author

Caren Grace Cabanayan

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch