Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kampeon sa DTI Digital Artwork Contest, talento at tyaga hagdan sa katuparan ng pangarap

Likas na talino sa sining at pagpupursige, o sa Ingles, talent and persistence, ang mga pangunahing taglay ni  Airon Sire C. Adan, 20 taong gulang at tubong San Jose, Occidental Mindoro, na nagwagi sa Digital Artwork National Contest ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong nakaraang Oktubre.

Ayon kay Airon, hindi naging mahirap para sa kanya na buuin ang konsepto ng artwork na may titulong Add to Eco Art, na kanyang isinumite bilang entry sa pambansang paligsahan. Ipinaliwanag nito na marapat lang naman kasi na isinasaalang-alang ng bawat digital consumer kung ano ang epekto sa kapaligiran ng anumang bagay na binibili online. At para doon sa mga hindi pa ito nakagawian, hindi pa aniya huli ang lahat upang simulan nang pahalagahan ang kalikasan, at isama sa batayan ng bibilhing produkto kung ito ba ay eco-friendly.

Kwento ni Airon, maaga niyang nadiskubre ang hilig sa pagpinta, na ayon dito ay namana niya sa kanyang Lolo Pabling sa poder ng kanyang ina. Higit na nahasa ang kanyang art skills nang magsimula na siyang lumahok sa mga painting contest noong siya ay nasa Grade 9.

Simula noon, naging napakalaking bahagi ng buhay ni Airon ang sining, at nakipagsapalaran siya sa iba’t ibang patimpalak. Isa rito ang pamosong Metrobank Art and Design Excellence National Painting Competition kung saan nakarating ang kanyang likhang-sining hanggang semi-finals. Sa isa niyang social media post ay sinabi ni Airon na nakalaban niya sa nasabing paligsahan ang ilan sa kanyang mga idolo sa pagpinta.

Sumali rin si Airon sa Sketchfest 2022 ng Manila Bulletin. Bagamat hindi pinalad, sinabi nito na tulad ng iba pa niyang nilahukan, marami siyang naiuwi na bagong natutuhan. “Hindi po ako nagpo-focus sa failure, kundi sa mga bagong aral na makukuha ko,” ani Airon. Bukod dito, nagbabakasali rin si Airon na sa pamamagitan ng mga art contest na napagwawagian ay makakaipon siya ng sapat na pondo upang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. “Nagkaroon kami ng financial problems kaya kinailangan kong tumigil at bigyang-daan ang aming panganay na tapusin ang kanyang huling taon sa Kolehiyo,” saad ni Airon.

Malaking karangalan para kay Airon at sa buong lalawigan ang pagiging kampeon sa Digital Artwork Contest ng DTI. Dagdag-inspirasyon ito para sa mga gaya niyang nagpupunyagi na makalikha ng magagandang obra. Si Airon ang kasalukuyang Pangulo ng Gintong Tamaraw Artist Association of San Jose, samahang humuhubog at tumutuklas sa mga kabataan na may hilig at galing sa pagpinta.

Umaasa si Airon na magtutuloy-tuloy ang maganda niyang kapalaran sa larangan ng sining at maging daan ito sa pagkamit ng magandang edukasyon. Plano ni Airon na muling mag-enroll sa Batangas State University sa susunod na taon at mula sa kursong Customs, nais niyang lumipat sa Fine Arts. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch