Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

SUBARAW Biodiversity Festival, paano nga ba nagsimula?

Ang Puerto Princesa Underground River (PPUR) kung bakit mayroong pagdiriwang ng SUBARAW Biodiversity Festival sa lungsod. (PIA-Palawan file photo)

Paano nga ba nagsimula ang pagkakaroon ng SUBARAW Biodiversity Festival sa Lungsod ng Puerto Princesa?

Lubos na nakilala ang Lungsod ng Puerto Princesa dahil sa Puerto Princesa Underground River (PPUR), lalo na nang maging isa ito sa New Seven Wonders of Nature noong Nobyembre 11, 2011.

Matapos na maitanghal ang PPUR bilang isa sa New Seven Wonders of Nature ay ipinagdiriwang na ng lungsod ang PPUR Day tuwing Nobyembre 11 sa pamamagitan ng Proclamation No. 816 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno C. Aquino, Jr. noong Hulyo 3, 2014. Isa ring special working holiday ang nasabing araw, ayon sa proklamasyon.

Bago pa man ito napasama sa New Seven Wonders of Nature ang PPUR ay nauna na itong naideklarang isa sa mga World Heritage Site ng UNESCO noong 1999.

Ang PPUR ay matatagpuan sa Barangay Cabayugan. Tinatayang may haba itong 8.2 kilometro ngunit ang maaari lang na mapasok dito ay nasa 4.5 kilometro kung saan makikita dito ng mga bisita ang nagagandahang ‘rock formations’ habang sakay ng bangkang de-sagwan na minamaneho ng mga bangkero.

Ang PPUR ay nakapaloob din sa nasa 22,202 ektaryang St. Paul Subterranean River National Park kung saan matatagpuan dito ang walong ‘intact forest formations’ na kinabibilangan ng ‘forest on ultramafic soil, forest on limestone soil, montane forest, freshwater swamp forest, lowland evergreen tropical rainforest, riverine forest, beach forest, and mangrove forest.’

Tahanan din ito ng iba’t-ibang uri ng hayop na karamihan ay sa Palawan lamang matatagpuan tulad ng armadillo, mouse deer, squirrel, otter at bear cat.

Sa katanuyan, ilan dito ay malayang nakakagala sa bukana ng Underground River tulad ng mga ibon, bayawak at mga unggoy.

Dahil sa biodiversity ng lugar o dahil sa maraming buhay ang naninirahan sa nasabing lugar tulad ng iba’t-ibang klase ng hayop, uri halaman at maging ang mga microorganism na bumabalanse sa ecosystem nang lugar kung kaya’t pinapangalagaan ito upang mapanatili ang kanyang pagiging biodiversity.

Ito rin ang nagbigay ng kabuhayan sa iba't-ibang Community Based Sustainable Tourism (CBST) Association mula sa mga barangay na nakapalibot sa nasabing parke.

Ang katangiang ito ng St. Paul Subterranean River National Park kung saan nakapaloob ang PPUR, ang pagiging biodiversity nito at ang tagumpay ng PPUR bilang isa sa New Seven Wonders of Nature ang pinagmulan kung kaya’t nabuo ang SUBARAW Biodiversity Festival.

Layon nito na mas mabigyang ng masayang pagdiriwang ang tagumpay ng parke at mas makapagbigay ng mas malawak na kaalaman sa kahalagahan at pangangalaga ng parke ang publiko.

Ang SUBARAW ay hango mula sa salitang katutubo na SUBA na ang ibig sabihin ay ilog at ang TARAW na ang ibig sabihin ay bundok kung saan ang Puerto Princesa Underground River ay isang ilog sa loob ng bundok.

Inilunsad ang kauna-unahang Subaraw Biodiversity Festival noong Nobyembre 19, 2018 kung saan naging panauhing pandangal dito si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Muli itong naisagawa noong 2019 ngunit natigil noong 2020 at 2021 dahil sa pandemyang COVID-19. At ngayong 2022 ay muling matutunghayan ang face-to-face na pagdiriwang SUBARAW Biodiverity Festival 2022 kung saan pinangunahan ni Mayor Lucilo R. Bayron ang kick-off ceremony nito noong Nobyembre 6, 2022.

Sa mensahe ni Mayor Lucilo R. Bayron, sinabi nitong nais niyang maging National Event ang SUBARAW Biodiversity Festival sa taong 2023 at target ding maging International Event ito sa taong 2024. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Costume Competition sa Subaraw Biodiversity Festival 2019 Grand Parade. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch