Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kamangha-manghang mga produktong agrikultura sa OccMDo, nagpaligsahan sa Arawatan Trade Fair 2022

Binigyan ng special award ang Abra de Ilog dahil sa pinakamalaking manok na ipinakita nito sa Arawatan Trade Fair. (PIA/OccMdo)

Gaano ba kalaki ang saging na saba na natikman mo na? Nakakita ka na ba ng alimango na tumitimbang ng higit isang kilo, o kamoteng-kahoy na may bigat na higit pa sa 10 kilo? Gaano ba kahaba ang talong, upo at ampalaya na nabili mo na sa palengke?

Kung pasiklaban o paangasan ng katangian ng mga gulay, prutas at lamang dagat, tiyak na bibilib ang lahat sa isinumiteng entry ng bawat bayan sa paligsahan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa ginaganap na Arawatan Trade Fair kamakailan, ang PINAKA.

Sa patimpalak na ito, nagpagalingan ang mga munisipyo kung aling bayan ang nagtataglay ng pinakamabigat na laman-dagat, kung saan may hiwalay na kategorya ang Tilapia, Bangus, Tuna, hipon at alimango. Nagpatalbugan din ang pinakamahabang talong, sitaw, upo, ampalaya, patola at okra, gayundin ang pinakamabigat na kalabasa, ube, luya, kamote at kamoteng-kahoy o cassava.

At nang i-anunsyo na ng OPA ang mga nagwagi, mistulang nauwi sa one-on-one ang laban sa pagitan ng Sablayan at San Jose na kapwa humakot ng awards. Nakuha ng Sablayan ang pinakamabigat na Tilapia (820 grams) at Tuna (51.2 kilos). Panalo din sila sa pinakamahabang upo (60 cm), ampalaya (45 cm) at patola (57 cm). Bukod dito  nakamit din ng Sablayan ang pinakamabigat na luya (1.380 kilos).

Pinakamabigat naman ang Bangus (4.270 kilos) at hipon (.040 grams) ng San Jose. Mahaba rin ang isinumite nilang talong (31 cm) at sitaw (76 cm). Napili ding pinakamabigat ang kanilang kalabasa (5.50 kls) at kamote (870 g.)

Hindi rin nagpahuli ang Magsaysay na nananalo sa pinakamabigat na alimango (1.270 kls) at isang special award para sa pinakamabigat na pakwan.

Iniuwi naman ng Mamburao ang pinakamabigat na ube (9.790 kls), cassava (17.590 kls) at tumabla sa Sablayan pagdating sa tuna.

Pareho ring nanalo ang San Jose at Sablayan sa pinakamahabang okra na may sukat na 23.5 sentimetro.

Nagbigay rin ng special award ang OPA para sa pinakamalaking manok mula Abra de ilog at ang pinakamalaking saging at cacao mula pa rin sa Sablayan.

Ayon kay OIC Provincial Agriculturist Zubiri, ang Arawatan Trade Fair ay isa sa mga suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa sektor ng Agrikultura. Nagbibigay ito ng magandang exposure sa mga bayang lumahok upang maitanghal ang kanilang mga atraksyong panturismo at mga pang-export na produkto.

Sinabi rin ni Zubiri na nakapaloob sa nasabing trade fair ang pagtutulungan ng lahat upang muling maibalik ang sigla ng ekonomiya ng probinsya. Naipaalaala din sa mga mamamayan ang galing ng lalawigan pagdating sa industriya ng sakahan.  Patunay dito, dagdag ni Zubiri, ang ilang beses na nakamit ng lalawigan sa national level ang Outstanding Rice Achievers Award (Hall of Fame) at Quality Corn Achievers Award.

Ayon pa kay Zubiri, magiging bahagi na ng Arawatan Festival ang trade fair kaya hinimok nito ang lahat ng munisipyo na paghandaan ang taunang selebrasyon upang makasali at maipamalas ang kagandahan  ng kanilang bayan gayundin ang kanilang husay sa Agrikultura. (VND/PIA MIMAROPA)



About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch