Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pangarap ng mga mangingisda ng La Union, tinupad ng BFAR

“Nung una, akala namin hanggang pangarap lang pero yung pangarap pala na ito ay matutupad din.”

Ito ang nasambit ni Arnulfo Eslao Jr., presidente ng Damortis Fisherfolks Cooperative mula sa bayan ng La Union nang kanyang  ilarawan ang saya ng kanyang nadarama dahil sa pagkakaroon ng kanyang grupo ng bangkang pangisda na maaaring magamit sa malawak na katubigan ng Rehiyon sa Ilocos at maging sa West Philippine Sea.

Lumalaot lamang daw kasi ang katulad niyang maliit na mangingisda sa mga kalapit na baybayin sa kanilang lugar dahil sa maliit lamang ng kanilang bangkang ginagamit na pangkabuhayan.

Ngunit, nito lamang ika-15 ng Disyembre, natupad na din ang pangarap ni Eslao at kanyang grupo nang kanilang tanggapin ang maagang pamasko mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ipinagkaloob na kasi ng BFAR sa Damortis Fisherfolks Cooperative sa ginanap na turn-over ceremony sa Josefa Slipways sa bayan ng Sual ang 62-footer steel-hulled ring net fishing vessel.

Ang Damortis Fisherfolks Cooperative ay mayroong mahigit 115 maliliit na miyembro ng mangingisda at ang kauna-unahang grupo ng mangingisda sa bansa na nakatanggap ng nasabing bangka.

Ang fishing vessel na nagkakahalaga ng PHP38 million ay may kumpletong machinery at accessories na idinisenyo ng Department of Agriculture-BFAR.

Ito rin ay may upgraded at naaangkop na kagamitan para mapahusay ang fishing capacity at production efficiency ng mga mangingisda.

Ayon kay Eslao, ang regalong handog ng pamahalaan na bangkang pangisda sa kanilang grupo ay may kapasidad na makapaglulan ng hanggang 20 metrikong tonelada ng isda sa tuwing sila ay maglalayag.

Abot-tengang ngiti naman ang ibinigay ni Eslao at kanyang mga kagrupo bilang sukli sa pinagkaloob sa kanilang dagdag pangkabuhayan.

“Pag sinabing mangingisda, parang napakaliit ang tingin ng iba pero ngayon ito rin siguro yung pagkakataon para ma-upgrade na rin ang aming pamumuhay ng katulad na rin ng pangkaraniwan na tao,” ani Eslao.

“Tutumbasan namin (mga mangingisda) sa abot ng aming makakaya ang regalong ito upang maipakita namin ang aming pasasalamat sa naibigay sa amin na hanap-buhay ng gobyerno,” dagdag niya.

Samantala, ayon kay BFAR Ilocos regional director Rosario Segundina Gaerlan, ang sasakyang pangisda ay hindi lamang tutulong sa kabuhayan ng mga mangingisda kundi pati na rin sa seguridad ng pagkain alinsunod sa programang Capacitating Municipal Fisherfolks upang makamit ang layunin na magkaroon ng abot-kaya at sapat mga produktong isda.

“Sana ay gagamitin nila ito ng maayos at sa tamang paraan. Sana ay magamit ito upang mas mapaunlad pa ang kanilang kabuhayan,” dagdag ni Gaerlan.

Aniya, ang mga miyembro ng grupo ng nasabing benepisyaryo ay sinanay din ng BFAR para sa pagpapatakbo ng binigay na Bangka.

Dagdag niya na tutulungan din ng BFAR ang mga mangingisda upang mas maging organisado ang kanilang grupo.

Nakatakda din na makatanggap ng fishing vessel ang mga grupo ng mga mangingisda sa lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur at Pangasinan. Ito ay kasama sa 36 pa na fishing vessel projects para sa mga fisherfolks sa buong bansa na nakatakdang ipamahagi ng BFAR para sa taong ito.

Kabilang rin sa ipamamahagi ng BFAR ang apat na ring nets, anim na bag nets, at 27 handline fishing boats sa mga grupo ng mga mangingisda bago magtapos ang taon. (JCR/MTJAB/EMSA/PIA Pangasinan)

About the Author

Elsha Marie Arguel

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch