Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Smoke-free City para sa mas malusog na pamayanan

Mga establisyemento sa Legazpi City na 100% smoke free, kilalanin

LEGAZPI CITY, Albay (PIA)--Kaakibat ng pag unlad ng bayan ang isang pamayanang malaya sa ano mang uri ng sakit. Kaya naman labis ang pasasalamat ng Legazpi City Health Office (CHO) sa mga establisementong naka-sungkit ng 100% smoke free award na ginanap nito lamang ika-29 ng Nobyembre.   

‘’Sa 365 na ahensya ng gobyerno, paaralan, barangay halls at iba pang establisyemento na binisita ng inter-agency Smoke Free Committee, 90 ang naitalang 100% smoke free sa Legazpi City,’’ saad ni Legazpi City Health Officer Dr. Fulbert Gillego.

AWARDEES. Dumalo ang mga kinatawan ng 90 establisyemento na 100% compliant sa Smoke Free ordinance nitong ika-29 ng Nobyembre 2022 na isinagawa sa Legazpi Convention Center.(PIA5/Albay)

Kabilang dito ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Bicol, Philippine Information Agency (PIA) ROV, PIA Albay, Department of Agrarian Reform (DAR), Commision on Human Rights ROV, Department of Public Ways and Highways Bicol at iba pang partner government agencies.

Hindi rin nagpahuli ang mga kainan tulad ng Cafe Tea'ria drive, Legazpi Airport Buffet, Alibar restaurant, Gemma's Snackhouse at iba pa sa pagsunod at pagpapatupad ng 100% smokefree sa kanilang establisyemento.

Kaya naman, samyo ng masarap na pagkain ang malalanghap sa pagpasok sa mga gusaling ito at hindi nakakasulasok na amoy ng sigarilyo.

Ayon sa datos ng tobacco free kids organization nitong March 2020, 21.5% ng adults na may edad 15 pataas at nagtatrabaho sa loob ng gusali ay nalalantad sa second hand smoke; 21.9% adults ay nalalantad sa mga kainan; at 37.6% naman sa pampublikong transportasyon.

Dagdag pa dito ay 54.2% ng kabataang may edad 13-25 sa Pilipinas ay nalalantad sa mga pampublikong lugar at 38.3% naman ay nalalantad sa bahay.

Ayon kay Dr. Gillego, isa ang lunsod ng Legazpi sa seryosong nangangampanya laban sa pagbibenta ng tobacco products at  sa lalawigan ng Albay.

Ang pagsasagawa ng revised city ordinance 0007-2009 sa syudad ng Legazpi ay batay sa anti-smoking policy sa Article 2, Section 15 ng 1987 Philippine Constitution.

Nakasaad din sa ordinansa ang pagbabawal ng paninigarilyo sa pang publikong lugar, paaralan, at mga hospital.

‘’Ang mga provisions sa revised 100% smoke free ordinance sa lungsod ay mas pinaigting, yung penalties tinaasan, at mga larawan na nagiging epekto ng smoking ay pinakalat sa Legazpi City,’’ani Dr. Gillego.

Ang mga penalidad ay hindi bababa sa P500 pataas. Ang mga walang kakayahan na makapagbayad ay pinapagawa ng community service.

Dagdag pa niya,’’hindi natin sinusupress yung karapatang pantao ng mga smokers, nais lang natin na i-regulate ang kanilang paggamit ng sigarilyo dahil gusto nating protektahan ang mga minamahal nating senior citizens, immune system ng immuno- compromised individual, buntis at mga kabataan.’’


PASKIL. Isa sa mga establisyementong pinarangalan bilang 100% Smoke Free kung saan nakadikit sa pader at pinto nag nagpapa-alala ng pagbabawal ng CHO Legazpi ang Philippine Information Agency (PIA) 5 sa paninigarilyo. (PIA5/Albay)

Kaya naman kung noon mga posters, fliers, at kung ano-ano pang paraan upang maenganyo na bumili ang isang indibidwal at gumamit nito ang nasisilayan mo, ngayon ay binaliktad na ang baso. Ang nakikita na ngayon ay mga larawang nagpapakita ng masamang dulot o epekto ng labis na paninigarilyo gaya ng bukol sa lalamunan, pamumula ng mata, dilaw na ngipin at pangingitim ng mga labi na mga larawang nakapaskil sa tindahan maging sa kaha ng mga sigarilyo.

Dagdag din ni Dr. Gillego,’’Isasama din ang paggamit ng vape ng mga kabataan, dahil iniisip nila na kapag gumamit sila ng vape ay ligtas na sila sa side effect ng nicotine pero sa katunayan ay kapareho lamang ang epekto nito mula sa paggamit ng sigarilyo.’’

Sa mga hindi na nakaiwas sa sakit dulot ng pagamit o pagkalanghap sa usok ng sigarilyo, iminungkahe ni Dr. Gillego na mayroon silang Smoke Free Cessation Program upang matigil ang kanilang bisyo at matukoy ang tamang interbensyon kung nais nilang tigilan na ang paninigarilyo. 

Nakapaloob rin sa programa ang libreng laboratory testing, x-ray, ECG, at blood chemistry upang matukoy ang estado ng kalusugan ng pasyente.

Ang mga ordinansa, programa at pagkilala ng CHO Legazpi sa mga establisyemento at publiko ay talagang ramdam sa buong lungsod.

Ikaw, may-ari ka ba ng isang establisyemento? Ano ba ang iyong paraan para maging 100% smoke free rin ang kapaligiran nito?(PIA5/Albay)

About the Author

Cyryl Montales

Writer PIA/Albay

Region 5

Amor Fati

Feedback / Comment

Get in touch