Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

BFAR Lambaklad Proj, kabalikat sa pag-unlad ng mga mangingisda ng San Jose

Lubos ang pasasalamat ng mga kasapi ng San Agustin Lambaklad Fisherfolk Association (SALFA) ng Brgy San Agustin, San Jose sa proyektong Lambaklad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).


Ang Lambaklad o set-net ay teknolohiya mula sa Japan na tinatawag na Otoshi-ami. Bukod sa pagiging eco – friendly, malaki ang naitutulong nito sa panghuhuli ng isda.


Ayon kay Ed Payas, Provincial Officer ng BFAR Occ Mdo, tinatayang P2.5 milyon ang ginugol ng pamahalaan para maitayo ang Lambaklad sa San Agustin, gamit ang lambat at floaters. Inabot aniya ng isang buwan ang paghahanda para sa proyekto na masusing pinag-aralan bago tuluyang isakatuparan. Saad ni Payas, gamit ang iba’t ibang teknolohiya at pamamaraan, tinukoy ng BFAR ang bahagi ng karagatan kung saan karaniwang marami (o dumadaan) ang mga isda upang dito ilagay ang Lambaklad. “Isang napakagandang proyekto ng pamahalaan ang Lambaklad lalo na kung ang pagbabatayan ay ang naidudulot nitong tulong sa mga kasapi ng SALFA,” ani Payas.


Nabatid naman kay Ed Santesteban, chairman ng SALFA, na taong 2021 nang itayo ang Lambaklad sa kanilang lugar, at hanggang ngayon ay patuloy itong nagbibigay ng magandang huli sa kanilang samahan. Aniya, sa katunayan nitong bisperas ng pagpapalit ng taon, ay umabot sa 485 kilos ng iba't ibang uri ng isda ang kanilang nahuli sa Lambaklad. “Sa kabuuan, simula nang itayo ang proyektong ito ng BFAR, abot na sa higit P2 milyon ang katumbas na halaga ng aming mga huling isda sa Lambaklad,” saad ni Santesteban. Ang napagbentahan ay ibinabahagi aniya ng samahan batay sa kanilang napagkasunduang paraan ng paghahati ng kita.


Sinabi pa ni Santesteban na karamihan sa kanilang mga kasapi ay namamasukan sa iba't ibang uri ng trabaho, habang ang iba ay naghihintay lamang ng alok na gawaing-bukid mula sa sinasaka ng iba. Aniya, ang Lambaklad ang nagbigay sa kanila ng regular na pagkakakitaan sa tulong ng pamahalaan.


Sa kasalukuyan, pinag-aaralan ng mga opisyal ng SALFA na gawing isang kooperatiba ang kanilang samahan upang magkaroon ng mas marami pang oportunidad na umunlad. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch