Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Solusyon para hindi mapako ang New year’s resolution

Kumusta na? Isang linggo na rin ang nakalipas nang nagpalit ang taon. 2023 na! Panibagong taon nanaman, panibagong mga hamon, panibaong mga karanasan, at syempre panibagong taon para pagbutihin ang sarili. Sabi nga nila, “new year, new me”, pero ano nga ba ang kaakibat ng mga katagang ito? Mayroon ka na bang New Year’s resolution? Balak mo ba magpapayat? Balak mo ba na mag-aral muli? Balak mo ba na mabili yung dream phone mo o di kaya yung dream house mo? O di kaya naman makapunta sa ibang bansa; anuman ang iyong mga plano ngayong taon hindi magkakaroon ng katuparan yan kung walang “follow through”. 

Mananatiling New Year’s resolution lamang ito, kung walang kaakibat na aksyon, hayaan niyo na bigyan ko kayo ng tips o solusyon para hindi na mapako ang inyong mga New Year’s resolution.

1.      Pumili ng espisipikong layunin; karamihan sa atin ang nais ay mabawasan ang timbang, o di kaya naman kakain na ng masusustansyang pagkain o di naman kaya ay mag-eehersisyo na palagi. Subalit kung ganito ang konsepto ng magiging pag-iisip mo tungo sa iyong mga mithiin, magiging mahirap ito, dahil ito ay napakalawak. Kailangan bigyan mo ang sarili mo ng goal na masusukat mo. Halimbawa kailangan mabawasan ako ng 15 kilo sa unang bahagi ng taon. Sa ganitong paraan mas magiging matibay ang pundasyon mo upang maabot ang iyong layunin, dahil makikita mo ang iyong mga tinatawag na improvements sa pamamagitan ng progress o pagsukat sa nawala mo na timbang.

2.      Kailangan mo limitahan ang iyong mga gustong baguhin o gawin? Ngunit para maabot ito, kailangan mo na maging “consistent” sa iyong layunin. Maaaring malihis ang iyong atensyon kung mayroon ka pa na nakalinya na iba pang layunin mula sa iyong una nang nasimulan na resolusyon. Maaari din naman na panghinaan ka ng loob kapag hindi mo agad naabot ang gusto mo na resulta mula sa una mong goal, kung kaya’t ililihis mo ang iyong atensyon sa iba pang gusto mo gawin. Magiging cycle lang ito kung hindi ka mag-stick sa iisang layunin, muli, limitahan mo ang iyong mga gusto gawin para ma-pokus mo ang lahat ng iyong atensyon dito.

3.      Katulad ng ibang bagay, kailangan pinagpaplanuhan nang maayos ang isang bagay o desisyon na kailangan gawin ng indibidwal, lalo na at ito ay mayroon malaki na epekto sa buhay ng isang tao. Kung mayroon kang nakahanda na plano, magkakaroon ka ng mga estratehiya na maaaring paghugutan ng mga desisyon kapag naharap ka sa isang malaking pader o problema. Bibigyan ka nitong oportunidad na atakihin mula sa ibang pananaw ang iyong mga mithiin na gusto makamit. Ika nga nila, “change the plan, but never the goal.”

4.      Magsimula sa maliliit na mga hakbang, “a win is a win”, and a goal attained however small it is, is still a goal achieved. Hindi naman lahat nakukuha sa iisang iglap lamang, katulad ng buhay, everything is a learning process. Kumbaga, sa isang bagong silang kailangan mo muna matutong gumapang bago lumakad; at kailangan mo muna matuto lumakad bago tumakbo. To put it into simpler words, “baby steps”. Walang nadadaan sa bilisan, kung makuha mo man ito, ito madalas ay hindi nagtatagal, kung kaya’t sa pamamagitan ng pag-abot sa mga mithiin mo sa pamamagitan ng mga maliliit na hakbang, magiging konkreto ang pundasyon mo na mas pag-igihin ito at mas panindigan ito sa pagtagal ng panahon.

5.      Kumuha ng inspirasyon at suporta mula sa ibang tao; marahil napakinggan mo na ito ng napakaraming beses, pero ito ay tunay at di maipagkakaila na napaka epektibo kung gusto mo makamit ang mga hangarin mo para sa bagong taon na ito. Maaari kang kumuha ng inspirasyon mula sa ibang mga tao na mayroong kapareho mo na layunin para sa bagong taon. Sa pamamagitan nito, makakahingi ka ng ilang tips kung paano mapagtatagumpayan ang sarili mong mga layunin. Maaari mo din silang pagkuhanan ng lakas ng loob kapag pinanghihinaan ka, malungkot ang mapag-isa at mas malungkot kung wala kang masasandalan sa panahon ng pangangailangan.

Ilan lamang yan sa mga tips na pwede mo i-apply sa pang araw-araw mo na buhay ngayong 2023 kung mayroon gusto kang makamit o makuha. Muli, ang pagkakaroon ng New Year’s Resolution ay hindi iisang konkretong mapa para sa lahat ng tao. Maaaring ang iba ay madaling makukuha ang kanilang mga minimithi, mayroon din namang iba na madadapa muna ng ilang ulit bago makamit ang kanilang resolusyon ng pagpapabuti para sa sarili. Ang mahalaga, binigyan tayo ng 365 days upang mapagbuti ang ating sarili at ng mga nakapaligid sa atin, hindi naman kailangan pa umabot ng susunod na kabanata o pahina para magpanibago ng sarili, ang kailangan mo lamang ay tamang dedikasyon, at malinaw na motibasyon sa pag-abot nito, simulan mo na, kaya mo yan! (JJGS/PIA MIMAROPA)

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch