Bicolana, kampeyon sa Arnis national battle of champions
"Pwedeng umiyak, pwedeng mapagod, pero bawal sumuko kasi may goal tayo,"
Ito ang binigyang diin ni Mzyra Velasco, champion at gold medalist sa Live Stick- Light Heavy Weight Women's Category ng Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) National Battle of the Champions 2023.
Si Velasco, 21, ay residente ng Quibongbongan, Guinobatan, Albay at kasalukuyang nag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines Manila.

“Wag bibigay sa pagsubok”
Sa panayam kay Velasco, nabanggit niyang importante ang time management sa gaya niyang student-athlete bilang paghahanda sa nasabing kompetisyon.
"You need to balance and allocate your time properly in studies and training. Kapag may vacant time, practice and training lang kasi hindi pwede na sasabak ka sa laban na hindi physically and mentally prepared," saad nya.
Ayon kay Velasco, pagiging malayo sa kanyang pamilya ang pangunahing pagsubok na kanyang hinarap.
"Most of us athletes from [the] province na nag-aaral sa Manila are scholars. Kailangan i-grab ang opportunity kasi hindi naman lahat afford makapag-aral sa university. May mga bagay na kailangan mo i-sacrifice to pursue your dreams," saad nya.
Dagdag pa nya, naging pagsubok din sakanya ang kakulangan ng suportang pinansyal.
"Imagine being an athlete playing our national sport, we Arnis players are not receiving the same attention and support compared to other sporting events," saad ni Velasco.
Aniya, ang makapaglaro sa national level ay isang karangalan at achievement.
"It was a great experience. Every athlete's dream na makapag compete sa national battle of the champions. Nakaka proud kasi lahat ng pagod mo nagbunga. Noong ia-announce na yung name ng champion sa category namin, it was surreal," saad nya.
Discipline, consistency and faith
Payo ni Velasco sa kaniyang mga kapwa atleta na magkaroon ng disiplina at consistency para maabot ang kanilang mga pangarap.

"Discipline and consistency lead to achievement. Put God first in everything you do and you will never be last," saad ni Velasco.
"Pwedeng umiyak, pwedeng mapagod, pero bawal sumuko kasi may goal tayo," dagdag nya.
Sa ulat ng PEKAF, mahigit 200 na atleta mula sa Luzon, Visayas, Mindanao, at NCR ang sumali sa tournament na ito na ginanap nitong Pebrero 25-26 sa Ninoy Aquino Stadium, Rizal Memorial Sports Complex, Manila.
Layunin nitong makapagbuo ng world-class National Arnis Team na pagpipilian ng Philippine Sports Commission upang maging kinatawan ng Pilipinas sa 32nd Southeast Asian Games (SEA) na gaganapin sa Cambodia. (With reports from Dianna Rose Badong, BU Intern - PIA5/Albay)