Freelance artist mula sa pamilya ng manlilikha, curator ng Arts Month exhibit sa Camalig, Albay
LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA5/Albay) – Hawak ang inspirasyong dala ng pamilyang pawang mga manlilikha, ang 23-anyos na freelance artist at manunulat na si Paulo Isidro M. Samson ay tagapangasiwa na ngayon ng “Pagkamoot sa Arte, Kultura, Asin Ginikanan '' art exhibit sa bayan ng Camalig.
Ang exhibit ay bukas sa publiko mula Pebrero 10 hanggang 28. Matatagpuan ito sa Sumlang Lake, Brgy. Sumlang, Camalig, Albay, kung saan itinampok ang mga obra ng iba’t ibang Camaligueño artists, kasama ang obrang gawa ng kapatid niyang si Jorge Samson.

Bago pa maging curator, si Samson ay nagsisilbi nang Art Coordinator ng Camalig Artists Guild kung saan siya ay nakipagtulungan sa Camalig Tourism Office, LGU Camalig, at Sumlang Lake upang mailunsad ang exhibit.
“Pinag-iisipan nga ng grupo namin na magmungkahi ng Cultural Week sa susunod na taon, kung saan maipapakita sa publiko ang iba pang disiplina ng sining,” saad ni Samson.
Sa ngayon, bukas pa rin ang Pagkamoot exhibit na ibinibida ang makulay na kultura at pamana ng bayan ng Camalig.
“Umaasa ako na ma-appreciate ng mga bumibisita ang mga obra sa exhibit. Ito rin ay makatutulong upang mapasigla ang moral ng mga artists at ma-market ang kanilang mga gawa,” dagdag ni Samson.
Hinihikayat din niya ang ibang artists na makibahagi sa mga kaparehong aktibidad at masuportahan pa sila ng LGU at pamahalaang panlalawigan.
Aniya, matagal na siyang ‘exposed’ sa sining at paggawa ng mga obra.
Ayon kay Samson, bukod sa mayamang kultura ng kanilang komunidad, naghatid inspirasyon din sa kanyang paglikha ang kanyang pamilya, lalo na ang ama na isang batikang iskultor sa probinsya ng Albay.
Pamanang talento
“Noong walong taong gulang pa lang ako, nagsimula na akong magpinta. Si Papa kasi ay iskultor at siguro dun kami namulat sa mga ginagagawa niya noon,” saad ni Samson.
Ang kanilang amang si Manuel “Manoling” Samson ay naparangalan bilang Outstanding Albayano Artist noong 2016.
Kabilang sa kanyang pamosong mga obra ay ang rotonda statue ng Battle of Legaspi, Simeon Ola statue sa Guinobatan, at ang war plane sa Lignon Hill.
Dahil sa kinamulatang propesyon ng ama na nagbuhat pa noong 1960s, nahumaling din silang magkakapatid na pasukin ang mundo ng biswal na sining.
“Kami lang talaga ng kapatid ko na si Jorge ang sa mural painting, canvas painting, at sculpture. Yung ibang kapatid namin ay sa photography at tattoo art,” saad ni Samson.

Simula ng pagkilala sa kanyang Likhang Sining
Ibinahagi din ni Samson na siya ay nag-tapos ng kursong Sociology sa Bicol University.
Para sa kanya, pormal na nagsimula ang kanyang karera noong siya ay nasa unang taon ng kolehiyo, kung saan sila ay nanalo sa Bicol University, Davies, at Camp Ola Mural Competition.
“Matapos kasi yun, marami na ang mga commissioned works at mga kliyente na nagtatanong,’’saad ni Samson.
‘’Naimbitahan na rin ako sa isang radio station upang pag-usapan ang sining bilang propesyon, at nakasama na din sa mga art projects ng gobyerno,” dagdag niya.
Naghatid din ng mensahe si Samson sa mga nangangarap na maging matagumpay sa larangan ng Sining.
“Maging malikhain at makabago sa paggawa ng sining. Humugot ng inspirasyon sa realidad kasi para sa akin, ang sining ay sumasalamin sa pagkatao at paninindigan mo bilang artist,’’ saad ni Samson.
Samantala, nanawagan din si Samson sa publiko na,’’ bigyan natin ng karampatang pagpapahalaga ang sining,” saad niya. (Mula sa ulat ni Ann Jubelle F. De Vera, BU Intern- PIA5/Albay)
Cover photo courtesy of: Paulo Samson