SANTA CRUZ, Laguna (PIA) — Labing-isang makukulay at hitik sa disenyong land float ang pumarada sa pangunahing lansangan ng bayan ng Sta. Cruz, Laguna sa pagbubukas ng Anilag Festival 2023 nitong Sabado, Marso 11.
Isa sa mga tampok na patimpalak sa Anilag ang Land Float Parade and Competition. Binihisan ng mga makukulay na gawang-sining at kinagisnang kultura ng bawat bayan at lungsod sa Laguna ang mga karosa.
Sa huli, tinanggap ng Sta. Cruz ang P1 milyon bilang gantimpala sa pagkapanalo sa kompetisyon. P500K naman ang ibinigay sa lungsod ng San Pablo bilang 2nd Place at P300K sa bayan ng Victoria bilang 3rd Place.
Isa rin sa mga inabangan ang Street Dancing Competition. Sa saliw ng musikang ‘Love Laguna’, siyam na kalahok ang nagtagisan ng galing sa pag-indak suot ang makukulay na costume at gamit ang makukulay na props.
Itinanghal ang bayan ng Victoria bilang kampeon sa kompetisyon at nag-uwi ng P1.2 milyon premyo. 1st Runner Up ang bayan ng Cavinti na nagkamit ng P650k, habang 2nd Runner Up ang lungsod ng Calamba na mayroong P350k.
Bukod sa Land Float Parade at Street Dancing Competition, dinagsa rin ang pagbubukas ng 30 trade exhibits o booths kung saan makikita ang mga ipinagmamalaki ng bawat bayan at siyudad tulad ng malalaking imahe ng simbahan, mga patron, mga bayani, at produktong pagkain tulad ng buko pie, itik, itlog, barong at marami pang iba.
Nagkaroon din ng Misa ng Pasasalamat at Fluvial Procession bilang alay sa Our Lady of Turumba, pagbubukas sa mga food stalls, carnival rides, at ang pyromusical competition.
Mother of All Festivals in Laguna
Ang Anilag Festival, na halaw sa katagang “Ani ng Laguna” ay isang linggong pagdiriwang na nag-aanyaya sa mga lokal at banyagang turista na bisitahin ang Laguna para sa kakaibang timpla ng mayamang kultura, kasaysayan at pananampalataya rito.
Taong 2004 nang nagsimulang ipagdiwang ang Anilag Festival. Kinilala ito bihang “Mother of all Festivals” sa Laguna dahil sa pagbubuklod nito sa mga kaugalian at selebrasyon ng bawat lugar sa lalawigan.
Noong 2020 huling isinagawa ang pagdiriwang ngunit naging limitado ang selebrasyon dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic. Makalipas ang halos dalawang taon, lubos na pinaghandaan ng pamahalaang lalawigqn ng Laguna ang pagbabalik nito.
Sa isang press conference, binanggit ni Laguna 2nd District Rep. Ruth Mariano-Hernandez na inaasahan nilang makakatulong ang Anilag sa muling pagpapalakas ng industriya ng turismo at mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Tatagal ang mga programa at selebrasyon ng 2023 Anilag Festival hanggang Marso 18, 2023. (CCM/CH/FSC/MCA)