From teacher to champion darter.
Nasungkit ng Igorota darter na si Giselle Bulahao ang kanyang 17th championship trophy matapos talunin ang 18 iba pang manlalaro sa Ladies Single Category ng P500,000 22nd Araw ng Zamboanga Sibugay National Darts Tournament na ginanap sa Ipil, Zamboanga Sibugay nitong Pebrero 24-26, 2023.
Bukod dito, nasungkit din ni Bulahao (R@x Brotherhood Benguet) kasama sina Eduard Largo (Zampen ZSDC) at Ceasar Pausal (Shrine City Dapitan) ang kampeonato para sa Classified Draw Triples na may 261 na manlalaro.
Sa isang panayam, sinabi nito na pinaghahandaan niya ngayon ang pagsabak sa isang international tournament na gaganapin sa Tacloban sa darating na Abril.
Kwento nito, sumabak ito sa darts noong 2018 matapos itong ipakilala sa kanya ng kanyang tiyuhin ang nasabing laro. Gayunman, tumigil ito sa paglalaro ng dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic. Sa pagbabalik niya sa nasabing larangan noong 2022, sunod-sunod na aniya ang kanyang pagkapanalo.
"Nagchampion ak iti Baguio, Marikina, Isabela ,Gensan, Panabo City, ken Zamboanga. Han ko malagip diyay dadduma. Pang-17 nga champion trophy (ladies category) daytoy naalak idjay Zamboanga," si Bulahao.
Batay sa datos ng National Darts Federation Philippines as of December 2022, si Bulahao ang number 2 sa ranking ng mga babaeng darters sa bansa na may total points na 510.
"Inspiration ko 'yung mga taong patuloy na nagtitiwala sa kakayahan ko at 'yung mga naging sponsors ko every time na lumalabas ako para maglaro," pagbabahagi nito.
Mensahe naman nito sa iba pang kababaihan na may passion sa naturang sports o iba pang klase ng sport, "sapay kuma ta ag-focus da nga nasayaat ken itultuloy da lang ti agpractice."(Sana magfous sila at tuloy-tuloy lang ang pagprapractice)
Si Bulahao ay dating guro na nagturo ng walong taon sa isang paaralan sa Baguio City. Aniya, umalis ito sa pagtuturo upang ipagpatuloy ang darts bukod sa pangangasiwa sa kanyang sariling negosyo.
Ang kanyang ama ay mula sa Ifugao habang ang kanyang ina ay mula sa Tuba, Benguet. (JDP/DEG-PIa CAr) (Photos: Giselle Bulahao)