Isa sa mga layunin ng lokal na pamahalaan ng Narvacan sa Ilocos Sur ang paghubog at paglinang ng kakayahan ng mga kabataang atleta.
Sa taunang sportsfest sa lugar, dito nadidiskubre ang kagalingan ng mga kabataan sa iba’t ibang larangan ng isports gaya ng basketball, volleyball, taekwondo, badminton, chess, table tennis, cycling, at track and field..
Isa nga ang 15 taong gulang na si Angelica Racca sa mga maituturing na produkto ng patimpalak na ito sapagkat dahil sa pagsali rito ay nahubog ang kanyang kakayahan at nabigyan siya ng pagkakataon na maging kinatawan sa badminton ng kanyang paaralan at bayan sa Palarong Pambansa kamakailan.
Sa panayam ng Philippine Information Agency kay Racca, ibinahagi niya na sa pamamagitan ng isports ay tumaas ang kanyang tiwala sa sarili at sa kung paano niya balansehin ang pagiging atleta at pag-aaral.
Aniya, laking tulong ang sports fest dahil maliban sa karangalang hatid nito sa kanilang paaralan ay nagsisilbi rin itong daan sa pagkamit ng kanyang pangarap na maging mahusay na atleta at makilala sa larangan ng badminton.
"Bilang isang Narvacanean, alam ko sa sarili ko na ang aking panalo ay panalo rin ng bayan kong Narvacan. Lagi nating isipin na hindi lang natin ito ginagawa para sa ating sarili kung hindi para na rin patunayan na ang Narvacan ay tunay na 'Home of the Champions' na kung kaya ko, kaya niyo rin" ani ni Racca.
Dagdag ni Racca na nais nitong ibahagi sa kanyang kapwa atleta na magpursige kahit na mahirap man ito sa umpisa dahil darating ang araw na mapapalitan din ang pagod at sakripisyo ng bawat atleta.
Pinasalamatan din niya ang lokal na pamahalaan ng Narvacan sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataan upang maipakita ang kanilang talento sa paglalaro at sa kanilang suporta sa pagkamit ng kanilang pangarap.