REAL, Quezon (PIA)- Umabot sa P8,254,031.94 na Fertilizer Discount Vouchers (FDV) ang ipinamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa 1, 587 magpapalay noong ika-16 ng Pebrero, sa Real, Infanta, at General Nakar, Quezon.
Ayon sa Department of Agriculture-IV-A, ito ay alinsunod sa patuloy na implementasyon ng FDV Program ng DA na sumusuporta sa mga maliliit na magpapalay at nagsisiguro ng patuloy na produksyon ng palay sa bansa.
Sa ilalim ng programa, ang mga benepisyaro ay mga magsasaka na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture, nakatala ang pangalan sa Farmers and Fisherfolk Registry System, at magtatanim ngayong darating na dry cropping season. Ang bawat FDV ay maaaring magkahalaga ng P6,600 kada hektarya hanggang P13, 200 depende sa lawak ng sinasaka.
Maaaring magtungo sa DA-accredited fertilizer merchants sa kanilang munisipyo o makipag-ugnayan sa kani-kanilang City o Municipal Agriculturist Office para sa scheduled caravan distribution ang mga nakatanggap ng FVD.
Samantala, ikinatuwa ni Karen Luzano, magsasaka mula sa Brgy. Pamplona, General Nakar, ang ginawang pamamahagi dahil kahit maliliit na magsasaka sila ay hindi sila kinalimutan ng ahensya.
Pinangunahan ng DA-4A Rice program ang programa kasama ang tanggapan ni Quezon First District Representative at House Committee Chairman on Agriculture and Food Cong. Wilfrido Mark Enverga, Quezon Agricultural Program Coordinating Office, at Lokal na Pamahalaan ng mga naturang bayan. (RMO/PIA-Quezon may ulat mula sa DA-4A)