Fire station at barangay halls, itatayo ng BARMM gov’t sa Maguindanao del Sur

LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Nakatakdang itayo ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang abot sa P7 milyong halaga ng fire station at apat na units ng dalawang palapag na mga barangay hall sa bayan ng Pagalungan sa Maguindanao del Sur.

Ito ay matapos pangunahan kamakailan ng ilang opisyal ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ang groundbreaking ceremony sa nabanggit na bayan.

Ang proyekto ayon sa pamahalaan ng BARMM ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan upang makapagbigay ng maayos na mga imprastraktura sa rehiyon.

Ayon sa MILG, ang konstruksyon ng mga barangay hall ay proyekto ng Office of the Chief Minister sa pamamagitan ng Support to Local Moral Governance (SLMG) program na layong pondohan ang lahat ng mga proyektong pang imprakstraktura sa rehiyon.

Samantala, ang pondo ng fire station ay mula sa Bangsamoro Appropriation Act of 2022 na ipinatutupad ng MILG sa pamamagitan ng Project Management Development Division (PMDD).

Dagdag pa ng MILG, ang pagpapatayo ng fire station ay lubos na kinakailangan upang maprotektahan ang mga residente sa lugar sa tuwing mayroong sunog.

Ang mga barangay hall naman ay magsisilbing lugar para sa mga aktibidad ng komunidad at iba pang mga programa para sa mga residente. (With reports from Bangsamoro government).

In other News
Skip to content