LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Isinusulong ng pamahalaang lalawigan ng Quezon at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Food Logistics Agenda kung saan nais baguhin ang sistema ng Food Distribution sa lalawigan.
Sa isang pagpupulong noong Nobyembre 24, malugod na tinanggap ni Quezon Governor Helen Tan ang tanggapan ng DTI sa pangunguna ni DTI Digital Philippines and E-commerce Assistant Secretary Mary Jean Pacheco kasama si DTI Quezon Provincial Director Julieta Tadiosa at ilang mga kawani ng kagawaran.
Ayon sa Quezon Public Information Office, tinalakay rin sa pulong ang Cold Storage Facilities sa Quezon at ang pakikipag-ugnayan ng DTI sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang maisaayos ang mga transaksyong pang-komersyo sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Asec. Pacheco, nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan kay Gov. Tan dahil sa posibilidad na pagpapatupad ng ‘Quezon Fresh’ na may pangunahing layunin na palakasin ang industriya ng paggugulay sa Quezon at maibenta ito sa mga institutional buyers.
Tiniyak ngnpamahalaang panlalawigan ang patuloy na pakikipagtulungan sa mga ahensiyang makatutulong sa pagsasaayos ng sistema sa industriya ng kalakalan na inaasahang magbibigay ng malaking oportunidad sa mga mamamayan sa lalawigan. (Ruel Orinday-PIA Quezon)