DAET, Camarines Norte, Pebrero 27 (PIA) – Nagsagawa ng fund raising ang mga kapulisan sa bayan ng Jose Panganiban katuwang ang Municipal Advisory Group for Police Transformation and Development (MAGPTD) upang magbigay ng tulong sa mga batang mula sa mga mahihirap na pamilya dito.
Ito ay sa pamamagitan ng inilunsad na “Zumba para sa MAlusog na Puso” (ZUMAP) na ginanap sa harap ng Fil-Nippon Fountain of Friendship Park, Barangay North Poblacion ng bayan nitong nakaraang Pebrero 25, Sabado.
Layon nitong matulungan ang mga benepisyaryo ng proyektong “Tabang sa Aki na Nangangaipo, Ginhawa at Liwanag ang Maitatao para Wakasan ang Pagtios, Giya sa Pag-asenso” o Project T.A.N.G.L.A.W.
Ayon kay PMaj. Ace J. Flores, hepe ng pulisya ng Jose Panganiban, isa ito sa mga flagship programs ng kapulisan upang tulungan at bigyan ng pag-asa ang mga karapat-dapat na bata sa kanilang paghahanap ng magandang kinabukasan.
Aniya, ang makukuhang pondo ay gagamitin para sa feeding program at pamamahagi ng mga pakete ng pagkain sa mga pasyenteng nasa hospital.
isa din ito sa mga paraan upang maipalaganap ang saya, pagmamahal at ginhawa sa gitna ng kanilang mga kinakaharap na pagsubok, dagdag pa ni PMaj. Flores.
Ang ZUMAP ay ginawa bilang launching activity ng MAGPTD. Ito ay nakatuon sa physical wellness development ng mga miyembro ng pulisya at ng mga residente ng Jose Panganiban.
Ang gawaing ito ay nagpapakita ng magandang ugnayan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno na nagpapalakas sa pagtutulungan para sa mga layuning makatulong sa komunidad.
Ito ay nilahukan ng mga personahe mula sa 27 barangay at iba’t-ibang sektor ng bayan ng Jose Panganiban, Bangon Bikolanong Byahero (BBB) Riders Club, Mambulao Golden Eagles Club at mga zumba enthusiast. (PIA5/Camarines Norte/ ulat mula sa tanggapan ng Jose Panganiban MPS)