CALAMBA CITY, Laguna (PIA) – Mahalaga ang suporta ng Philippine National Police (PNP) sa ‘Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan’ (BIDA) program ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na naglalayong sugpuin ang pagkalat ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni PNP Deputy Chief for Administration Police Lieutenant General Rhodel O. Sermonia kasabay ng pagkilala sa mga City at Municipal Police Stations sa Calabarzon na may pinakamataas na bilang ng mga ‘Drug-Cleared Barangay’ noong Biyernes, Marso 3.
Layon ng programang BIDA na sugpuin ang pagkalat ng iligal na droga at panagutin ang mga personalidad na sangkot sa produksiyon at trafficking nito.
Bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan kontra iligal na droga kung saan binibiyang prayoridad ang karapatang pantao, rehabilitation, at socioeconomic development ng mga drug dependents.
Kasama ang PNP, prayoridad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensiya ng pamahalaan ang ‘intensified and more holistic approach’ sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Kabilang sa mga binigyang pagkilala na may pinakamaraming drug-cleared barangays sa rehiyon ang San Pablo City Police, Sto. Tomas City Police, at Calamba City Police. Tumanggap rin ng Certificate of Recognition ang kapulisan sa mga bayan ng Balayan at Mataasnakahoy sa lalawigan ng Batangas.
Pinangunahan ni Sermonia at Police Regional Office (PRO) 4A Director Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez Jr., ang paggawad ng nasabing pagkilala.
Ipinakita rin ng PRO 4A quad staff ang resulta ng kanilang mga anti-drug operation, at mga datos ng kanilang High Value Individual/Street Level Database, at Monitored Drug Cases. Napag-usapan rin dito ang mga naging nagawa ng Calabarzon Police sa pagsusulong ng mga BIDA at KASIMBAYANAN Program.
Nagsagawa naman si Sermonia ng Talk to Men sa ng PRO CALABARZON. Dito binigyang diin ng hepe ang kahalagahan ng KASIMBAYANAN Program upang maisakatuparan ang programang “MKK=K” o Malasakit, Kaayusan, at Kapayapaan tungo sa Kaunlaran Peace and Order Framework ng pambansang pulisya. (Patricia Bermudez, PIA4A)