GENERAL LUNA, Quezon (PIA) — Mas maraming empleyado at manggagawa sa bayang ito ang inaasahang makikinabang sa mga benepisyong hatid ng Social Security System (SSS).
Ito ay matapos lumagda sa isang kasunduan si Mayor Matt Erwin Florido at SSS Branch Head Frederick Isip ukol sa paghihikayat sa mga permanenteng kawani ng pamahalaang lokal ng General Luna na maging miyembro ng SSS.
Ayon kay Florido, boluntaryo ang gagawing paghuhulog ng SSS monthly contribution ng mga empleyado depende sa kanilang mapipiling scheme.
“Dalawa ang magiging pensyon ng mga empleyado na nais mag-miyembro sa SSS pagdating ng kanilang retirement, una ay sa GSIS at pangalawa ay sa SSS”, pahayag ni Florido.
Sinabi pa niya na maaaring ipagpatuloy ng mga dating miyembro ng SSS na natigil sa pagbabayad ng kanilang monthly contribution.
Ayon naman kay Isip, maraming benepisyo ang maaari pang makuha ng mga empleyado kung sakaling maging miyembro sila sa SSS. Kabilang sa mga ito ang benepisyo para sa mga hindi makapagtrabaho sanhi ng pagkakasakit o pagkapinsala, panganganak o pagkakunan, pagkakaroon ng pisikal na pinsala o impairment, at retirement benefit.
Maaari ring makakuha ng iba pang benepisyo gaya ng buwanang pensiyon sa benepisyaryo ng namatay na miyembro, gayundin ang funeral at unemployment benefits.
Ang General Luna ang kauna-unahang bayan sa Bondoc Peninsula na nagkaroon ng ganitong uri ng programa. (Ruel Orinday-PIA Quezon)