LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Pinapahintulutan ng pumalaot ang mga mangingisda sa pitong bayan ng probinsya matapos ideklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas ng kainin ang mga mahuhuling isda maliban sa mga tahong, talaba, ulang (Lobster), alimango, hipon at mga kahalintulad nito.
Ito ang ipinahayag ni Gob. Humerlito “Bonz” Dolor, sa isinagawang press conference kamakailan sa Tamaraw Hall ng Kapitolyo kasama si Bise Gob. Ejay Falcon, kapulisan mula sa Regional at Provincial Office, mga alkalde ng bayan at ng lungsod, na ito at mga mamamahayag mula sa lokal at nasyonal.
Ayon kay BFAR Regional Director Emmanuel Asis, ang karagatan na ligtas ng pangisdaan ay sakop ng mga bayan ng Puerto Galera, San Teodoro, Baco, Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao, habang ipinagbabawal pa rin ang pangingisda sa mga karagatan ng Naujan, Pola, Pinamalayan, Gloria, Bansud at sa lungsod.
Samantala, nagbigay ng direktiba si Police Lt. Col. Jessie B Mysal ng Police Provincial Operations and Management Unit (POMU) sa mga pulis na sabihan ang mga mangingisda na maari ng pumalaot para manghuli sa mga bayan na inalis na ang fishing ban na hindi na kailangan pang humingi ng permiso.
Ayon pa sa kanya, ipabatid din sa mga mangingisda ang mga lugar na pinahihintulutan nang mangisda. (DN/PIA-Mimaropa/OrMin)