LEGAZPI CITY (PIA5/Albay) — Personal na dumalo si Albay Governor Edcel Greco Lagman sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos (PBBM) kahapon, Hulyo 24 sa Batasang Pambansa Quezon City, Metro Manila.
Inihayag ni Lagman sa isang panayam ang kaniyang panawagan para sa mga Internally Displaced Individuals (IDPs) o evacuees na apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon sa Albay.
‘’The president says something about disaster resiliency and perhaps alam naman natin na ang good president has plans on a certain number, a big number of housing projects and sana masama natin ang Albay,’’ saad ni Lagman.
Aniya, ito ay upang matuldukan ang pangmatagalang problema na kinakaharap ng lalawigan tuwing magkakaroon ng volcanic activity ang Mayon.
‘’I think dapat masabi ko din ito, para matapos na itong perennial problem na kung saan kapag may eruption lagi na lang tayong may mga ganitong mga evacuation issues, kailangan magkaroon ng housing summit when things normalized,’’ saad ni Lagman.
PAGDALO | Personal na dumalo si Albay Gob. Edcel Grex Lagman (nasa gitna) kasama ang iba pang politiko sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos Jr. sa Batasang Pambansa, Quezon City Metro Manila nitong ika-24 ng Hulyo 2023.
Ayon sa ulat ng Presidential Communications Office, 100k na Pilipino ang kumuha ng PAG-IBIG housing loan na nagkakahalaga ng P117 Billion sa ilalim ng administrasyon ni PBBM.
Mahigit 148k na kabahayan at 30k certificates of eligibility ng lot award ang naipamahagi, 35k residential free patent at agricultural patent titles na naibigay sa mga benepisyaryo at groundbreaking sa 25 sites sa buong bansa kaugnay ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program o 4PH.
‘’Papalawigin pa natin ang ating programa sa abot-kayang pabahay, lalo na para sa mga mahihirap nating kababayan. Itong nakalipas na taon, inilunsad natin ang 4PH,’’ saad ni Marcos.
Binigyang diin naman ni Lagman na maayos ang sitwasyon at pagtugon ng lokal na pamahalaan sa Mayon operations.
‘’Albay right now is very much stable in terms of eruption and di kasi tayo alarmist kasi gusto talaga natin science ang basis natin in every action we take,’’ saad ni Lagman.
Kumpyansa din si PBBM sa epektibong pagtugon ng pamahalaan sa mga natural na kalamidad na kinakaharap ng bansa.
‘’We have learned many painful lessons from past disasters but we continue to be alert and prepared in our disaster response. It has, in fact, been commented that sometimes we are over-prepared for such natural disasters,’’ ani PBBM.
‘’Well, to continue that, we are reorganizing our response teams to make them more adaptable, agile and effective in times of calamities and crises, with a clear unity of command,’’ dagdag ni PBBM. (PIA5/Albay)