Gov. Socrates: Budget ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, tataasan sa 2024

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Tataasan sa susunod na taon ang budget ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, ayon kay Governor Victorino Dennis M. Socrates sa kanyang State of the Province Address o SOPA noong Oktubre 4.

Ayon sa Gobernador, tinatapos na ang Local Expenditure Program at kailangang maisumite ito sa Sangguniang Panlalawigan bago lumipas ang ika-16 ng Oktubre.

Ang panukalang budget ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa taong 2024 ay may kabuuang halaga na humigit-kumulang sa P4.5B. Mas mataas ito sa P4.3B na budget ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong taong 2023.

Dagdag pa ng Gobernador, hindi pa kasali sa nasabing budget ang panukalang paghiram ng P2B upang tustusan ang pagkokongkreto ng mga provincial roads, flood control projects sa mga lugar na kailangan nang lagyan, at ang dalawang satellite capitols na itatayo sa hilaga at timog ng mainland Palawan.

Nais din ng Gobernador na doblehin ang ilalaang pondo sa susunod na taon para sa Office of the Provincial Agriculturist na siyang nangangasiwa sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at palaisdaan sa lalawigan upang masiguro ang food security gayundin upang matulungan ang mga maliliit na magsasaka at mangingisda sa Palawan.

“Sa sektor ng agrikultura at pangisdaan para sa taong ito, mahigit 44 milyong piso lang ang ating nailaang pondo para sa pagpapaunlad ng agrikultura sa ating lalawigan, kaya para sa taong 2024 babawian natin at tataasan kahit madoble man lamang,” pahayag ni Gob. Socrates sa kanyang SOPA.

Samantala, ang sektor ng industriya ang may pinakamalaking kontribusyon sa ekonomiya ng lalawigan na umabot ng 46% noong 2021 kung saan ang malaking bahagi nito ay mula sa pagmimina.

Sinabi pa nito na dahil kontrobersyal ang mining industry sa lalawigan ay binabalak nitong magtawag ng isang malawakang usapan tungkol dito upang malaman ng lahat ang dapat malaman sa iba’t-ibang aspeto ng pagmimina sa Palawan mula sa mga batas na dapat ipinatutupad at sa mga pagkilos ng mga kumpanya ng mina at epekto nito sa kapaligiran at kalikasan. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)


Ang State of the Province Address (SOPA) ni Gov. Victorino Dennis M. Socrates kung saan iniulat nito ang kanyang mga nagawa sa Palawan sa loob ng kanyang panunungkulan bilang gobernador ng lalawigan. (Larawan mula sa Governor’s Office)

In other News
Skip to content