LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Isinagawa kamakailan ang seremonya ng ground breaking para sa itatayong bagong Bulalacao Municipal Hall na nagkakahalaga ng P80M na pinangunahan ni Mayor Ernilo C. Villas at Vice Mayor Ramon Magbanua sa 3,600 metro kuwadradong lupain na matatagpuan sa Sitio Duhat, Brgy. Campaasan.
Ang nasabing gusali ay pinondohan ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng loan sa Development Bank of the Philippines na isa sa mga Mega Infrastructure Project para sa naturang bayan na nakatakdang simulan ang konstruksiyon sa susunod na taon.
Samantala, ayon kay Bulalacao Public Information Officer Reniemar Sejera, kamakailan ay nagsagawa rin ng paglipat mula sa Deparment of Health (DOH) sa lokal na pamahalaan ang bagong Bulalacao Community Hospital na nagkakahalaga ng P84,049,957.75 mula sa pondo ng DOH at nakatakdang buksan anumang araw sakaling makumpleto na ang mga kagamitan na ilalagay dito.
Ang konsepto at anyo ng bagong Bulalacao Municipal Hall na nakatakdang itayo sa susunod na taon sa Barangay Campaasan na nagkakahalaga ng P80M. (larawan mula sa Bulalacao Public Information)
Dagdag pa ni Sejera, makikita rin sa nasabing bayan ang bagong Rural Health Center na nagkakahalaga ng P10,515,430.41, gayundin ang Ship Shape Restaurant at Bagsakan Center na pinondohan ni Senador Francis Tolentino ng P25M at ang malapit nang matapos na bagong pampublikong pamilihan na nagkakahalaga ng P100M na nagmula ang tulong kay dating kinatawan ng unang distrito sa kongreso na si Salvador ‘Doy’ Leachon na kapwa ipatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng segunda distrito. (DN/PIA Mimaropa-OrMin/BulalacaoPublicInformation)
Larawan sa itaas mula sa Bulalacao Public Information
Ang konsepto at anyo ng bagong Bulalacao Municipal Hall na nakatakdang itayo sa susunod na taon sa Brgy. Campaasan, Bulalacao, Oriental Mindoro. (larawan mula sa Bulalacao Public Information)