Groundbreaking ng Super Health Center sa Calapan, isinagawa

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — “Tayo bilang mga lingkod bayan ay nararapat lamang na ibigay ang serbisyo na kinakailangan sa ating mga mamamayan,” ito ang pambungad na mensahe ni Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa mga namumuno sa lungsod ng Calapan sa isinagawang Groundbreaking Ceremony ng Super Health Center noong Marso 27 na nakatakda namang simulan sa mga susunod na araw.

Ayon sa senador, ito ay isa lamang sa kanyang mga prayoridad na proyekto bilang Chairperson ng Committee on Health sa Senado at isa rin itong paraan upang mapabuti ang serbisyong medikal sa buong bansa na kung saan ay tatlo ang nakatakdang itayo sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

Ang Department of Health (DOH) aniya ang siyang nangasiwa sa pagpili kung saan dapat ito itayo na makikita sa mga istratehikong lugar sa buong bansa at pagkatapos ay ililipat ang pamamahala nito sa LGU para sa regular na operasyon ng ospital.

Ang naturang pagamutan ay isang medium type polyclinic na ang serbisyong ipagkakaloob ay para sa mga out-patient, paanakan, isolation area, diagnostic (laboratory ng x-ray at ultrasound), parmasya, at ambulatory surgical unit.

Nariyan din ang serbisyo medikal para sa mata, tenga, ilong at lalamunan (EENT), oncology, physical therapy at magsisilbi din itong isang rehabilitation center. (DN/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content