‘Handa Ka Na Bang Mag-abroad?’ seminar, isinagawa ng DFA-Puerto Princesa

‘Handa Ka Na Bang Mag-abroad?’ seminar, isinagawa ng DFA-Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Regular na isinasagawa ng Department of Foreign Affairs Consular Office-Puerto Princesa (DFA CO-Puerto Princesa) ang ‘Handa Ka Na Bang Mag-abroad?’ seminar.

Layon nito na maihanda ang mga aplikanteng nais magtrabaho sa ibang bansa o maging Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa pamamagitan din ng seminar na ito ay nagbibigay ng sapat na kaalaman ang DFA CO-Puerto Princesa katuwang ang mga partner agencies nito na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW) dating POEA, City Public Employment Service Office (PESO), at Department of Trade and Industry (DTI)-Palawan kung paano ang mga nais maging OFW ay makakahanap ng legal na trabaho, malaman ang kanilang mga karapatan bilang trabahante at kung ano ang mga dapat nilang gawin sa anumang suliranin na maaari nilang kaharapin sa pamamasukan sa ibang bansa.

Ayon kay DFA CO-Puerto Princesa Head, Carolina A. Constantino, ang nasabing seminar ay isinasagawa dalawang beses kada taon o minsan nagiging tatlo pa depende sa dami ng mga aplikante. Libre aniya itong ipinagkakaloob sa mga nais na dumalo.

Nitong Marso 18, 2023 ay muli isinagawa ang ‘Handa Ka Na Bang Mag-abroad?’ bilang aktibidad ng DFA CO-Puerto Princesa sa pagdiriwang ng National Women’s Month na may temang “We for Gender Equality & Inclusive Society” kung saan dinaluhan ito ng 57 OFW aspirants (35 babae at 22 lalaki).

Ilan sa mga natalakay dito ay ang OWWA Membership at Mga Benepisyo; Proseso ng recruitment ng mga overseas workers, Illegal recruitment at Human trafficking; Lehitimong mga oportunidad sa trabaho para sa mga OFW aspirants; Mga oportunidad sa negosyo para sa mga umuuwi na OFW.

Sa papel ng DFA, ipinaliwanag ni Merwin V. Conde, GAD Focal Point, na patuloy na itinataguyod at pinoprotektahan ng DFA ang interes ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa pandaigdigang komunidad, gayundin ang pangangalaga sa mga karapatan. at kapakanan ng Overseas Filipino.

Pinaalalahanan naman ni Constantino ang mga nais maging OFW na maingat na alamin at igalang ang kultura ng bansang kanilang paglilingkuran at nag-iwan din ito ng isang kasabihan mula kay Eleanor Roosevelt na “No One Can make you feel inferior without your permission.”

Ang DFA Consular Office Puerto Princesa ay magdiriwang ng kanyang ika-10 taong anibersaryo sa Agosto 2023. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)


Sa isinagawang ‘Handa Ka Na Bang Mag-abroad?’ Seminar kamakailan ay pinaalalahanan naman ni DFA Consular Office Puerto Princesa Carolina A. Constantino ang mga nais maging OFW na maingat na alamin at igalang ang kultura ng bansang kanilang paglilingkuran. (Mga larawan mula sa DFA CO-Puerto Princesa)

In other News
Skip to content